Statement on the prevalence of text scams

Napaka-urgent po na masagot natin agad ang lumalaking problema ng text scam. 

 

Una, binibiktima po nito ang mahihirap, lalo na ang mga naghahanap ng trabaho na pinapangakuan ng mga text scam ng malaking kita. Kasama na po dito ang mga “too good to be true” na oportunidad na trabaho sa ibang bansa. 

 

Pangalawa, ibang level na po ng data leak ito dahil mismong pangalan na ng subscriber ang lumilitaw sa mga text scam. Hindi lamang po trust issue sa telcos ang usapin dito, kundi ang tiwala po natin sa bawat kumpanya o ahensya na binibigyan natin ng personal data.

 

Dapat magkaroon ng “user-friendly” na mekanismo upang maging madali ang pagreport ng mga text scams at magkaroon ng madaliang deactivation ng mga numerong nagpapadala sa maraming numero.

 

Mayroon pong ginawang Inter-Agency Group noong nakaraang taon nang isinulong natin ang isyu ng “smishing” o text scams, ngunit patuloy pa rin tayong nakakatanggap ng text scams at lumala pa ito. Nais po nating malaman mula sa mga miyembro ng Inter-Agency Group na ito ang mga susunod na hakbang sa pagtukoy ng mga source ng data breaches o leakage, at tayo po ay handang lumahok sa ano mang imbestigasyon o diskusyon sa Senado.

 

Ngayon pong 19th Congress, ni-refile po natin ang Senate Bill No. 366 na Anti-Spam Act para sa proteksyon ng mga telephone at mobile subscribers laban sa mga mga scam na ito. Nagpapataw ang SBN 136 ng multa na Php 50,000 hanggang Php 100,000 sa bawat violation, kagaya ng pagpapadala ng mga links na “misleading” at nangongolekta ng personal na impormasyon nang walang pahintulot. Inaatasan din ng bill na ito ang National Privacy Commission at iba pang ahensya ng gobyerno na mas maging aktibo sa paghuli ng mga scammers at lutasin ang isyu ng text scams.#

“We should already be anticipating the kinds of issues we would encounter once the roll-out begins.”