Villanueva: Training-cum-production ng TESDA, makakatulong sa mga nasalanta ng Odette na itaguyod ang kanilang mga bahay, magkaroon ng trabaho

May sapat na kakayahan at karanasan ang mga tauhan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang tulungan ang mga nasalanta ng komunidad ng Bagyong Odette nitong nakalipas na araw para buuin muli ang kani-kanilang mga tahanan at magkaroon ng sapat na skills para kumite, ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

Ani Villanueva, dating TESDA director general, mayroong mga programa ang ahensiya na maaaring pihitin ayon sa pangangailangan ng kung saan nag-deploy ang ahensiya ng mga tech-voc trainers sa mga komunidad na tinamaan ng bagyo upang magsanay sa basic constructions skills na magagamit sa pagkukumpuni ng kanilang mga tahanan at maaaring maging tulay sa paghahanap ng trabaho.

 

“Hindi lang po magagamit ng ating mga kababayan ang mga skills na basic carpentry at house wiring sa kanilang pagkukumpuni o paggawa ng kani-kanilang mga tahanan. Mapapakinabangan rin po nila bilang dagdag-karanasan na magiging daan sa trabaho,” ayon kay Villanueva, chair of the Senate labor committee. “Maaaring sumailalim ang mga benepisyaryo ng programa sa competency assessment test na magiging daan para sa national certification II. Pwede na po sila makuha sa mga construction projects o kaya maging self-employed.”

 

“Kampante po tayo sa kakayahan ng TESDA bilang isang gamechanger sa pagresponde ng ating gobyerno sa mga pangangailangan ng ating mga kababayang nasalanta ng bagyo, lalo na’t mas marami na silang pondo ngayon at karanasan,” dagdag pa ni Villanueva.

 

Paliwanag ni Villanueva, ang training-cum-production method ay nagbibigay ng practical skills at karanasan sa mga trainee para gamitin ang kaalaman na kanilang nakukuha.

 

Maliban sa training, nakatatanggap rin ang mga trainee ng allowance para sa kanilang mga pangangailangan habang bumabangon mula sa epekto ng bagyo.

“Hindi lang po magagamit ng ating mga kababayan ang mga skills na basic carpentry at house wiring sa kanilang pagkukumpuni o paggawa ng kani-kanilang mga tahanan. Mapapakinabangan rin po nila bilang dagdag-karanasan na magiging daan sa trabaho.”

Noong panunungkulan ni Villanueva, nagpatupad ang TESDA ng training-cum-production program sa mga rehiyong tinamaan ng Bagyong Pablo noong 2012. Saklaw ng programa ang iba’t ibang mga construction-related skills training tulad ng carpentry, masonry, electrical wiring, at iba pa.

 

Nang tumama ang Bagyong Yolanda noong 2013, inilunsad ng TESDA ang “Pandayan Project” kung saan nagbigay ng libreng training ang ahensiya sa mga sinalanta ng bagyo. Kabilang sa training ang carpentry at electrical repairs, na magagamit ng mga benepisyaryo sa pagkukumpuni ng kanilang mga bahay.

 

Ginawang community-based ang mga training upang magsama-sama ang komunidad sa pagbuo muli ng mga nasirang imprastraktura sa kanilang mga pamayanan, ayon kay Villanueva. Maliban sa training program, binigyan rin ng toolkits ang mga lumahok.

 

Umabot na sa 3,803 na bahay sa walong rehiyon ang napinsala, habang nasa 276,522 na pamilya ang apektado ng Bagyong Odette, ayon sa Disyembre 20 na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

 

Hinikayat rin ni Villanueva ang TESDA na tingnan ang paggawa ng solar night lights na maaaring mapamahagi sa mga pamayanang wala pa ring kuryente.

 

Umapela ang mambabatas sa iba pang mga ahensya ng gobyerno na makiisa sa bayanihan para tulungan ang mga nasalanta ng bagyo.