Villanueva, umaasang bubuhusan ng sapat na pondo ng susunod na administrasyon ang Department of Migrant Workers

Pagsisigurong sapat ang pondo ng itatatag na Department of Migrant Workers (DMW) ang isa sa mga malalaking trabahong aasahan ng mga OFWs sa papasok na administrasyon sa susunod na taon, ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

Ani Villanueva, principal sponsor at may-akda ng Senate Bill No. 2234 na nagtatatag sa DMW, isa sa mga unang hakbang ng susunod na administrasyon pagpasok nito ay ang pagbabalangkas ng kauna-unahang budget ng kagawaran na kasama sa 2023 national budget.

 

Inilarawan ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee, ang DMW bill bilang “isang magandang blueprint para sa itatayong departamento.” Hinikayat ng mambabatas ang mga presidential aspirants na pag-aralan ang panukala, na siya ring na-adopt ng Kamara noong Miyerkules at papunta na sa Malacanang para sa pirma ng Pangulo.

 

“Pero kung magiging epektibo ang DMW, kailangan nito ng sapat na pondo. Lahat ng polisiya, dapat tapatan ng salapi. Kung wala pong pondo, walang programang mapapatupad para sa mga kababayan natin,” anang senador, na siya ring chairman ng Senate labor committee.

 

Ayon pa sa kanya, naglalayong palakasin ng DMW ang serbisyo sa mga OFWs sa apat na aspeto, na kanyang tinawag na “4Ps.”

“Proteksyon, personnel, pondo at programa. Ito ang simpleng checklist ng mga gagampanan ng DMW na magsisilbi ring gabay kung nais nating magtagumpay ang kagawaran na ito.”

“Proteksyon, personnel, pondo at programa. Ito ang simpleng checklist ng mga gagampanan ng DMW na magsisilbi ring gabay kung nais nating magtagumpay ang kagawaran na ito,” aniya.

 

Dapat umanong may proteksyon para sa karapatan ng OFWs, ayon kay Villanueva. “Ito naman po ang pangunahing dahilan kung bakit itatayo at itatatag natin ang DMW. Ito ang No. 1 sa responsibilidad nito.”

 

Ang DMW din, sabi ni Villanueva, ay naglalayong magtalaga ng mas maraming tao na magsisilbi sa OFWs. “Hindi yung sa ngayon na kulang talaga ang taong rumeresponde sa SOS ng mga OFWs.”

 

“Pangatlo ay pondo,” paliwanag niya. “Magkakaroon po ito ng sariling pondo na hiwalay sa DFA na tatawagin nating AKSYON Fund na gagamitin para makapagbigay ng ligal na serbisyo ay iba pang tulong sa ating mga OFWs. Sisiguraduhin po natin na may sapat na pondo palagi ang AKSYON Fund.”

 

Magkakaroon din ng maayos na programa ang DMW na tutugon sa pangangailangan ng mga OFWs, mula sa recruitment hanggang sa reintegration.