Villanueva: Panukalang magtatayo ng Department of Migrant Workers, pasado na sa Senado; 'Itatatag ang isang bahay na gawa ng, para sa OFW'
Inaprubahan ng Senado ngayon sa ikatlo at huling pagbasa ang isang bill na layong magtayo ng isang Department of Migrant Workers, isang panukalang dineklarang “urgent” ng administrasyon.
Pinuri ni Senator Joel Villanueva, chairman ng Senate labor committee, ang pagkakapasa sa botong 20-0 ng Senate Bill No. 2234 na siyang nagbalangkas ng kapangyarihan at komposisyon ng Department of Migrant Workers.
Pagkatapos ang botohan, sinabi ni Villanueva na ang iminungkahing kagawaran ay siyang tututok sa kapakanan ng mahigit 10 milyong Pilipino na nasa ibayong dagat na bumubuo sa halos 10 porsyento ng populasyon ng Pilipinas.
“Para ito sa bawat Pilipinong nagsakripisyo sa ibang bansa para sa kanilang pamilya at para sa bayan. Mahigit isandaang taon na tayong lumilisan at nangingibang bansa, at ngayon nga ang sandali na nagpapasalamat tayo sa ating mga OFWs sa pamamagitan ng maayos na serbisyo para sa kanila,” ani Villanueva, pangunahing sponsor ng SB No. 2234.
“Kaya’t isang malaking pagtanaw ng utang na loob, at isang makabuluhang pamasko para mga OFWs ang pagpasa ngayong araw dito sa Senado ng Department of Migrant Workers Bill,” pagpapatuloy niya.
“Para ito sa bawat Pilipinong nagsakripisyo sa ibang bansa para sa kanilang pamilya at para sa bayan. Mahigit isandaang taon na tayong lumilisan at nangingibang bansa, at ngayon nga ang sandali na nagpapasalamat tayo sa ating mga OFWs sa pamamagitan ng maayos na serbisyo para sa kanila,.”
Trabaho ng bagong departmento na pag-isahin ang lahat ng polisiya at effort ng gobyerno, na sa kasamaang palad ay naging watak-watak sa paglipas ng panahon, para protektahan ang mga OFWs. Pitong ahensya ng gobyerno ang bubuo sa kagawaran, sa pangunguna ng Philippine Overseas Employment Agency, Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs ng DFA, Philippine Overseas Labor Offices at International Labor Affairs Bureau, National Reintegration Center for OFWs ng DOLE, at Office of the Social Welfare Attache ng DSWD. Magiging attached agency naman ang OWWA ng Department of Migrant Workers.
Bubuin ang bagong kagawaran mula sa mga ahensiya na nakalagak sa DOLE, DFA at iba pa, at hindi lamang daw ito simpleng “lipat-bahay” kundi nilinaw at pinalakas ang mandato ng bawat isa, ayon kay Villanueva.
“Hindi po basta ‘lipat-bahay’ o ‘pagpapalit ng karatula ng pangalan’ ang itinatayo nating kagawaran kundi isang ‘bagong bahay’ na may maayos na plano at base sa pangarap at adhikain ng mga mismong may-ari ng bahay na ito, wala pong iba kundi ang ating mga Overseas Filipino Workers,” ani Villanueva.
Nagpasalamat naman si Villanueva sa iba’t ibang ahensya na nagsilbing frontliners sa mga OFWs na tumulong sa paghubog ng panukala hanggang sa ito’y maipasa.
Iginiit din ni Villanueva na sisiguruhin ng itatayong kagawaran na hindi magiging polisiya ng bansa ang paghimok sa mga Pilipino na mangibang bansa.