Villanueva: Bodycams para sa Customs kontra smuggling ng produktong agrikultura, makakapagsalba ng trabaho sa bukid
Abot-kayang gadget lang ang katapat ng malawakang at tahasang smuggling ng produktong agrikultura na makakapagsalba ng libo-libong trabahong bukid, ayon kay Senator Joel Villanueva.
Paliwanag ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee, maaaring gayahin ng Bureau of Customs ang ginawa ng PNP na nagsimula nang magsuot ng tinatawag na “bodycams” habang nagsasagawa ng raid o inspeksyon sa mga inangkat na pagkain mula sa ibang bansa.
“Kung may video recording ng operasyon ng Customs, mapo-protektahan po ang mga lokal na magsasaka laban sa hindi patas na kalakaran sa kalakalan,” ani Villanueva.
“Yung pulis nga na nanghuhuli ng mandurukot na tumangay ng isang cellphone, may body cam eh. Dapat ganun rin po ang Customs police na magbubukas ng container van na puno ng bawang, sibuyas, karne ng baboy, at iba pang mga produkto na kadalasang pinupuslit ng mga smuggler,” dagdag pa niya.
Sabi pa ng senador, ida-download lamang ang footage ng pag-aresto sa mga may-sala at maaari na itong magamit sa kanilang prosekusyon.
“At dahil may suot na bodycam, magdadalawang-isip rin po ang Customs officer na may suot nito na labagin ang batas,” sabi ni Villanueva.
“Kung may video recording ng operasyon ng Customs, mapo-protektahan po ang mga lokal na magsasaka laban sa hindi patas na kalakaran sa kalakalan.”
“Anti-kotong at anti-suhol device na ito. Kung may ipapalusot ka, at nakita mong may bodycam ang nag-iinspeksyon ng kargamento mo, madali pong mababawasan ang mga magtatangkang manuhol,” Villanueva added.
Ang kakailanganing pondo ng Customs sa pagbili ng mga bodycams ay maliit lamang ang halaga kumpara sa perang makokolekta nito ng tama at walang bahid katiwalian.
Iminungkahi din ni Villanueva na kasama ng bodycams ay maglagay na din ng mga “hulicams” ang Customs sa mga sasakyan nito na naka-link sa isang sistema ng mga camera kasama ang mga CCTV na pwedeng mapanood ng Customs Commissioner mula sa kanyang tanggapan.
“Yung mga naghahatid nga ng pizza, may dash cam. Yung bakery sa kanto, may CCTV. Tapos ang Bureau of Customs, wala?” ani Villanueva.
Mura lang din aniya ang mga gadget na ito, pero malaki ang magiging epekto sa koleksyon ng ahensya ng tamang buwis.
“Dapat isama na po sa procurement budget ng mga ‘yan sa annual budget nila,” aniya.
“May digital resibo pa ang mga ito. Pag binuksan ang isang van, dapat nakasuot po ng body cam ang mga tauhan na gagawa ng inspection,” sabi ni Villanueva.