Villanueva: Palakasin ang seguridad kontra mga ‘online mandurukot’ na nambibiktima ng manggagawa
Kung ang ordinaryong mamamayan ay bantay-sarado sa kanilang pitaka laban sa mandurukot, ganun din sana ang pagsisikap ng mga bangko laban sa mga “online mandurukot” na ang biktima ay karaniwang manggagawa at ang kanilang pinaghirapang sweldo at deposito, ayon kay Senator Joel Villanueva.
“Sana po laging safe ang pera sa payroll ng parehong negosyante at manggagawa sa mga bangko,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Dagdag pa ng senador, dapat umanong tingnan ng gobyerno ang mga security breach sa isang bangko na isang atake sa ating bansa, hindi lamang sa iisang institusyon.
“Hindi lang po ito isang kumpanya. Ang reputasyon po natin bilang bansa ang nakataya dito. Hindi maaaring ituring ang Pilipinas na may maluwag na banking system dahil makikita itong isang malaking kahinaan ng mga kriminal,” ani Villanueva.
Kailangan ng isang mabilis na solusyon dito para hindi tayo makita na “prime destination” para sa mga cybercrime at hackers.
“Sana po laging safe ang pera sa payroll ng parehong negosyante at manggagawa sa mga bangko."
“Ang paglutas sa krimeng ito, kasama ang pagkilala sa mga may sala at ipaliwanag kung paano nangyari, ay magpapadala ng malinaw na mensahe sa mga mamamayan na ligtas ang kanilang pinaghirapang pera sa mga bangko,” sabi pa ni Villanueva.
Hinimok niya ang gobyerno na magtatag ng isang inter-agency task force na mag-iimbestiga sa nangyari at magtatalaga ng mga panuntunan para hindi na ito maulit.
Anumang pagkabalam ay magdudulot ng pagkadismaya sa ating banking system, isang relasyong naka-ugat sa tiwala.
Aniya, maaaring ang Department of Information and Communications Technology, Bangko Sentral ng Pilipinas, National Privacy Commission, National Bureau of Investigation, at iba pa ang mga maging kasapi ng inter-agency task force.
Samantala, pinuri naman ni Villanueva ang pahayag ng naturang bangko na ang interest ng mga biktima ang kanilang proprotektahan sa insidenteng ito.