Villanueva, mungkahi ang 'zero tolerance' sa ‘budol’ text scam

Mungkahi ni Senator Joel Villanueva na magpatupad ng zero-tolerance policy laban sa mga text scam dahil maaaring ang susunod na pyramid scam ay magmula sa mga nakaw na data ng mga cellphone at internet users.

 

“Iyan po ang dapat nating paghandaan. Sabi nga po nila, mas marami pa raw pong pyramid dito sa atin kumpara sa Egypt. Bagamat maraming pyramid scam ang nabibisto, marami rin pong nagsusulputan muli at bumibiktima sa mga kababayan natin,” ani Villanueva sa isang pahayag.

 

Tinutukoy ni Villanueva ang samu’t saring mga biglang-yamang pyramid scam o tinatawag na Ponzi scheme na nangangako ng malaking tubo sa investment na kinukuha lang mula sa mga bagong recruit.

 

“Hindi na po kakailanganin ng mga pyramid scam artist ang word-of-mouth marketing para humikayat sa mga biktima. Gagamitin nila ang digital technology upang makakuha ng mga biktima. Ito po ang pyramid scam version 2.0 ang dapat nating iwasan,” aniya.

 

“Katulad po ng COVID, mayroon pong mutation ang mga ganitong scam,” dagdag pa ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee.  “Kaya po mainam na maunahan ito ng gobyerno upang hindi mabiktima ang ating mga kababayan.”

“Iyan po ang dapat nating paghandaan. Sabi nga po nila, mas marami pa raw pong pyramid dito sa atin kumpara sa Egypt. Bagamat maraming pyramid scam ang nabibisto, marami rin pong nagsusulputan muli at bumibiktima sa mga kababayan natin."

Nangangamba si Villanueva na madaling mabibiktima ng mga budol text ang mga manggagawang nawalan ng trabaho at hanapbuhay bunsod ng pandemya. Umabot ang unemployment rate noong Setyembre 2021 sa 8.9% o katumbas ng 4.25 milyong manggagawang walang trabaho.

 

Kadalasang target ng mga scammer ang mga desperadong kababayan natin, ayon sa mambabatas.

 

“Ang taong nagigipit ay mas madaling kumapit sa mga budol text na natatanggap nila," ani Villanueva. "Kaya po pinaaalalahanan natin ang ating mga kababayan na maging mapanuri sa kanilang mga natatanggap na impormasyon mula sa mga text."

 

Umapela si Villanueva sa gobyerno na tuntunin ang mga “data brokers” na nagbebenta ng personal data ng mga mamamayan.

 

“Ngayong internet age, marami pong mga data capture points tulad ng membership sa mga utilities, government, social institutions, financial companies, etc," aniya. “At kadalasan ang mga personal information na ito ay nanggagaling sa mga empleyado at manggagawa. Kaya po para sa atin, ang data protection na sasaklaw sa kanila ay isang uri ng workers’ protection."