Villanueva: Mga manggagawang papabakuna sa nat’l vax holiday, bayad ang pagliban sa trabaho; DOLE at CSC, dapat mag-isyu ng guidelines
Marapat umano na ipakalat ng gobyerno ang isang direktiba mula sa Pangulo na nagsasabing ang lahat ng magpapabakunang manggagawa, pribado man o sa pamahalaan, sa loob ng tatlong araw na national vaccination holiday ay hindi mamarkahang lumiban sa trabaho, ayon kay Senator Joel Villanueva.
Ani Villanueva, chair ng Senate labor committee, kasabay ng panawagan niya sa DOLE at CSC na maglabas ng guidelines para sa mga manggagawang magpapaturok na ng bakuna mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Paliwanag ng senador, kung gusto ng pamahalaan na mas maraming magpabakuna sa mga araw na iyon, dapat umano nitong ipaalam sa lahat na parang “paid vacation leave” ang turing dito.
“Sabihin po natin sa lahat ng empleyado na ang ‘no work, no pay’ ay hindi in effect kung ikaw ay magpapabakuna anumang araw mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1,” ani Villanueva.
“Sabihin po natin sa lahat ng empleyado na ang ‘no work, no pay’ ay hindi in effect kung ikaw ay magpapabakuna anumang araw mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1."
“Ayon po mismo sa atas ng Pangulo, ang vaccination card ay nagsisilbi pong excuse slip,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1253 ni Pangulong Duterte, ang mga manggagawa mula sa pribado at gobyerno na lalahok sa national vaccination drive ay “excused” sa pagpasok sa trabaho, basta kailangan lang magbigay ng pruweba na nagpabakuna sa mga araw na iyon.
Dala na rin ng oras sa pagpunta sa vaccination centers, sa haba ng pila, at sa oras na gugugulin sa monitoring matapos mabakunahan, mas maganda umano para sa mga employers na ibigay na ang buong araw sa mga empleyado.
“Ang pagpapabakuna ay hindi sana magresulta sa bawas kita ng mga manggagawa. Huwag po nating papiliin ang ating mga manggagawa kung magpapabakuna para sa seguridad ng pamilya at ekonomiya o magtratrabaho para may pagkain sa hapag-kainan,” ani Villanueva.