Villanueva: Batas para sa 'Do Not Call Registry,’ paghahabol sa text blast device smugglers, susi sa pagpapatigil ng 'budol' text
Ang pagpupulong ng National Privacy Commission at mga telcos para mapatigil ang mga “budol text scams” ay isa lamang sa mga paraan upang tuluyan nang mawala ang pagpapadala ng mga hindi kanais-nais na SMS, ayon kay Senator Joel Villanueva.
“Umaasa po tayong magkakaroon ng malinaw na action plan pagkatapos ang pulong ng mga telcos at Privacy Commissioner Mon Liboro. Nadidismaya po tayo na tila inaabuso ng iilan sa atin ang kakulangan sa trabaho at hanapbuhay upang manlamang sa kapwa,” ani Villanueva sa isang pahayag. Binanggit ng mambabatas ang pahayag matapos ipatawag ni Liboro ang mga telco sa isang pulong.
“Anumang aksyon mula sa NPC ay isang solusyong administratibo. Kailangan natin ng batas para maging permanente ang solusyon dito,” sabi ni Villanueva.
Ayon sa kanya, ang isang panukala na makakatulong dito ay ang No Call, No Text, and No E-mail Registration System Act, na layong magbuo ng mga registry para sa mga taong ayaw makatanggap ng promotional o marketing SMS o email.
“Ang karapatan ng mga mobile phone users laban sa istorbong mga mensahe ay kailangang isabatas,” ani Villanueva. Aniya, ang panukala ay pagrerespeto lang sa pribadong buhay ng mga konsyumer na kailangang tanggapin ng mga kumpanya at negosyo.
Dagdag pa ng senador, kailangan din daw ng batas na nagbabawal sa mga makinang may automatic dialer o yung may kakayahang magpadala ng maraming mensahe sa iba’t ibang numero ng telepono.
“Umaasa po tayong magkakaroon ng malinaw na action plan pagkatapos ang pulong ng mga telcos at Privacy Commissioner Mon Liboro. Nadidismaya po tayo na tila inaabuso ng iilan sa atin ang kakulangan sa trabaho at hanapbuhay upang manlamang sa kapwa.”
Nitong Agosto, inaprubahan ng Kamara de Representantes sa pangatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 9608, o ang No Call, No Text, and No E-mail Registration System Act. Ipinadala na ito sa Senado para mapag-aralan.
Ayon kay Villanueva, dumami ang transaksyong e-commerce sa panahon ng pandemya, at dahil dito mas dumami ang marketing at promotional SMS, kasama na ang robo texts na kumakalat kamakailan na nag-aalok ng trabaho para sa mga mamamayan.
Nitong Martes, nanawagan si Villanueva sa NPC na itigil ang mga budol text na ito.
At habang binabalangkas sa Kongreso ang panukalang No Call Registry, dapat umanong hinahabol ng pamahalaan ang mga smuggler ng ipinagbabawal na text blast machines na may kakayahang magpadala ng 100,000 SMS sa isang oras.
Ang paggawa, pag-angkat, pagbebenta at distribusyon nito ay ipinagbabawal ng National Telecommunications Commission sa ilalim ng Memorandum Order 01-02-2013.
Nanawagan din si Villanueva sa DTI na magsagawa ng beripikasyon kung ang mga online shopping platforms tulad ng Shopee, Lazada at FB Marketplace ay may text blast machines na ipinagbabawal ng NTC.
“Ang problema lang po kung wala na sa online platforms, the sellers will go underground. Lilipat puwesto lang po sila,” he said. “Kung ganito lang rin po ang sitwasyon, dapat tugisin ng pulis ang mga nagbebenta ng ganitong gamit, at siguruhin ng Bureau of Customs na walang nakakapasok ng ganitong klase ng kontrabando sa ating bayan.”