Villanueva, hinikayat ang Privacy Commission na silipin ang mga ‘budol SMS scams’ na nag-aalok ng kaduda-dudang trabaho
Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa National Privacy Commission na masusing imbestigahan ang kumakalat na text scams partikular na nanggagaling sa mga numerong nag-aalok kunwari ng trabaho sa publiko.
Inilarawan ni Villanueva, chair ng Senate labor committee, ang mga SMS scams na ito bilang mga “robo text” na malamang-lamang ay nagmula sa isang data breach o data sale ng mga pribadong impormasyon sa mga indibidwal.
Aniya, binaha ang social media ng mga reklamo ng mamamayang nakatanggap ng mga job offers na ito sa text na nag-aalok ng trabaho na may malaking sweldo o komisyon.
“Marami pong kababayan natin, lalo na ang mga naghahanap ng trabaho ang maaaring mabudol sa mga text scams na ito,” sabi ni Villanueva.
Nanawagan si Villanueva sa Privacy Commission na makipag-ugnayan sa National Telecommunications Commission kung paano pahihintuin ang ganitong uri ng privacy intrusion sa mga mamamayan.
“Sa isang bansa na maraming walang trabaho at laganap ang fake news sa social media, marami ang maaaring mabiktima nitong scam na ito. Maraming kababayan po natin, lalo na ang mga naghahanap ng trabaho ang ma-si-swindle nito.”
Para sa senador, isa daw umanong variant ng “fake news” ang mga “robo texts” na ito na makakapag biktima ng maraming tao.
“Sa isang bansa na maraming walang trabaho at laganap ang fake news sa social media, marami ang maaaring mabiktima nitong scam na ito. Maraming kababayan po natin, lalo na ang mga naghahanap ng trabaho ang ma-si-swindle nito,” ani Villanueva.
Hiniling din ng senador sa ibang ahensya ng pamahalaan at mga pribadong telco na magtulungan upang mapigilan ang scam na ito na makaloko pa ng mga tao sa pamamagitan ng “smishing,” o isang uri ng text message phishing na ginagamit ng mga kriminal para makuha ang mga pribadong impormasyon ng isang tao.
“Nasa area pa rin po ito ng consumer protection na trabaho ng gobyerno,” ani Villanueva.
Isa pa umanong paglabag sa batas ay ang pag-aalok ng mga scammers o illegal recruiters na ito ng trabaho sa ibang bansa, isag bagay na hinihigpitan ng gobyerno para walang mabiktimang mamamayan.