Villanueva: P2.6-B dagdag-pondo sa ‘Doktor para sa Bayan,’ magdaragdag ng mas maraming medical scholars sa susunod na taon

Ang pondo para sa medical scholarship ay pinalaki sa P2.6 bilyon para sa 2022 upang palawakin pa ang pagpapatupad ng Doktor Para sa Bayan Act na naglalayong lumikha ng libo-libong bagong doktor kada taon, ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

Ani Villanueva, pangunahing sponsor ng batas, na nagsabing ang P2.6 bilyon ay ipapamahagi sa state universities and colleges o SUCs na may M.D. program, sa Department of Health (DOH) at sa Commission on Higher Education (CHED).

 

Aabot sa 16 na state universities ang maghahati sa tinatayang P1.3 bilyon sa pagtatayo o pagpapalawig ng kanilang programa sa medisina.

 

Ang RA 11509, o ang Doktor Para sa Bayan Act, ay may layunin na makapagpa-graduate ng mas maraming doktor sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship sa mga mag-aaral. Sagot nito ang tuition, at living allowances, maging ang gastos sa pag-review para sa board exams.

 

Mayroon rin return service provision sa ilalim ng batas kung saan minamandato ang paglikha ng plantilla position para sa mga scholar na nakapasa sa board upang magsilbi ng isang taon sa bawat taong naging kabilang sa scholarship program.

 

Ang kasalukuyang ratio ng doktor-sa-populasyon ay 3 sa bawat 10,000, pero ang layunin ay mapataas ito sa WHO standard na 10 kada 10,000.

 

“Kailangan po ng 12,165 medicine graduates kada taon para marating ang 10:10,000 sa taong 2030. Sa kasalukuyan, mayroon pong 7 rehiyon sa bansa ang walang SUC na nagooffer ng med school, at maraming munisipalidad ang walang doktor,” ani Villanueva.

“Kailangan po ng 12,165 medicine graduates kada taon para marating ang 10:10,000 sa taong 2030. Sa kasalukuyan, mayroon pong 7 rehiyon sa bansa ang walang SUC na nagooffer ng med school, at maraming munisipalidad ang walang doktor."

Kabilang sa mga SUCs na makakatanggap  ng karagdagang pondo upang matustusan ang pagtatatag ng kanilang college of medicine ang Cavite State University, Batangas State University, at Isabela State University sa Luzon habang ang University of Southern Mindanao at Mindanao State University – General Santos ay makakakuha rin ng pondo para itayo ang kanilang medicine programs sa Mindanao.

 

“May pondo na sila sa susunod na taon para magtayo ng M.D. program nila,” sabi ni Villanueva.

 

Samantala, mabibigyan rin ng dagdag pondo ang University of the Philippines-Manila, West Visayas State University sa Iloilo at Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte para palawigin pa ang kani-kanilang medicine programs, paliwanag ni Villanueva, chairman ng Senate higher education committee.

 

Makakatanggap rin ng karagdagang budget ang mga bagong-tatag na medicine programs sa Cebu Normal University, Western Mindanao State University, at University of Southeastern Philippines, anang mambabatas.

 

Pero aniya, kalahati lang ito ng gagastusin ng gobyerno para sa Doktor Para sa Bayan program dahil ang DOH ay makakakuha ng P374 milyon para sa sarili nilang medical scholarship program sa pribado at pampublikong mga paaralan ng medisina.

 

Maging ang CHED ay makakakuha din ng P1 bilyon mula sa pondong ito para sa kanilang sariling state medical scholarship program.

 

Sa bersyon ng Senado ng 2022 national budget, makakakuha ang CHED ng P500 milyon para sa “medical scholarship and return service program” nito, P167 million para sa subsidiyang pinansyal sa mga medical students, at P250 milyon na “seed fund” para sa mga SUCs na magtatatag ng kanilang medicine programs.