Villanueva: P5.024 trilyong national budget, dapat lumikha ng mas maraming trabaho
Marapat na siguruhin ng gobyerno na sa bawat piso ng P5.024-trilyong national budget sa susunod ay magagamit upang lumikha ng maraming trabaho para sa mga manggagawa, lalo na yung mga nawalan ng trabaho bunsod sa pandemya, ayon kay Senator Joel Villanueva.
Sa pagbubukas ng deliberasyon sa pambansang budget, muling iginiit ni Villanueva ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “jobs scorecard” para mas madaling bantayan ang mga programa ng gobyerno tulad ng National Employment Recovery Strategy (NERS) na layong lumikha ng trabaho at oportunidad para sa mamamayan.
“Kung ang target ay dalawang milyong trabaho, saan ito manggagaling? Anong industriya? Nais lang nating malaman kung may konkretong plano. Mas maganda sana kung pati lugar tulad ng rehiyon, lalawigan o siyudad ay sabihin para masundan natin ang progreso nito,” tanong ni Villanueva sa sponsor ng national budget na si Sen. Sonny Angara na sumang-ayon sa ideya ng jobs scorecard.
Paliwanag pa ni Villanueva, ang gastusin sana sa national budget ay wag lamang ituon sa pagbabayad utang pero ang malaking bahagi sana nito ay gamitin sa pagpapalawig ng job opportunities para sa mga mamamayan.
Ang NERS, na inilunsad noong Mayo, ay dapat magkaroon ng talaan ng trabaho sa 2022 national budget, dagdag pa ni Villanueva, na chairman ng Senate labor committee.
“Hindi lang po dapat piso at sentimo ang binibilang, o kilometro at bilang ng mga gusaling ipinatayo, ngunit dapat may kwenta din sa mga trabahong nalilikha,” ani Villanueva. “Yung flipside ng Build, Build, Build ay Jobs, Jobs, Jobs. Let the latter be a measurable program.”
“Ito pong budget natin para sa susunod na taon ay dapat gawing instrument para matapos na ang ‘jobless growth,’” anang senador.
“Kung ang target ay dalawang milyong trabaho, saan ito manggagaling? Anong industriya? Nais lang nating malaman kung may konkretong plano. Mas maganda sana kung pati lugar tulad ng rehiyon, lalawigan o siyudad ay sabihin para masundan natin ang progreso nito."
Ang sinasabi ni Villanueva ay ang pagtaas ng 7.1 percent sa year-on-year GDP sa ikatlong quarter ng 2021 habang bumagsak ang employment rate. Bumaba ng 1.2 milyon ang average monthly employment sa second quarter ng taon, mula 44.4 milyon patungong 43.2 milyon.
Ayon kay Villanueva, ang paglalagay ng probisyon sa national budget kung saan kailangang bumili ng mga ahensya ng pamahalaan sa mga lokal na kumpanya sa competitive na presyo ay makakalikha ng trabaho.
“Itigil na po muna ang import business ng mga kumpanyang tumitiba sa malalaking kontrata sa gobyerno,” aniya.
Isa pang grass roots na pamamaraan ay ang pagsisiguro ng implementasyon ng batas na nagsasabing dapat kalahati ng non-skilled workers ay kukunin sa komunidad sa kung nasaan ang isang proyekto.
“Kapag lokal na manggagawa ang kinukuha, may investment po sila sa proyekto kasi sila rin mismo ang makikinabang. May magbabantay ka na sa kalidad ng gagawin at masisiguro na hindi substandard ang proyekto,” dagdag niya.
Ang pagbili din ng produkto mula sa mga kooperatiba tulad ng ginawa ng DepEd ng pagbili ng desks mula sa mga kooperatiba ng mga PWD ay makakatulong sa mga sektor na tinamaan ng pandemya.
“Pati rin po yung sa mga child feeding programs natin, dapat pong gawin preference ang pagbili ng locally-produced goods kaysa mga pagkain na galing sa ibang bansa,” Villanueva said.