Villanueva: Sa paghupa ng COVID, asahan ang pagbugso ng milyong aplikasyon sa passport
Dahil sa pagbaba ng bilang ng COVID cases sa buong mundo, hiniling ni Senator Joel Villanueva sa pamahalaan na magbukas ng mas maraming passport processing centers sa mga malls sa labas ng Metro Manila dahil sa inaasahang pagdagsa ng aplikasyon para sa passport ng mga OFWs.
Para kay Villanueva, napakaganda ng ginawa ng DFA na magbukas ng anim na Temporary Off-Site Passport Services o DFA-TOPS sa NCR nitong nakaraang buwan, isang solusyon na karapat-dapat umanong ipatupad sa buong bansa.
Dagdag pa ng senador, ang passport processing ay isang mahalagang tulong ng pamahalaan hindi lang sa mga OFWs, kundi pati na rin sa mga unang beses na maghahanap ng trabaho.
“Sa isang banda, maku-konsidera po natin na isang job generation activity,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Ayon pa sa kanya, kasabay ng pagluwag ng travel restrictions sa buong mundo, magbubukas ang mga ekonomiya ng mga bansa na siguradong kukuha sa mga OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Pinuri naman ni Villanueva si DFA Sec. Teodoro Locsin sa pagpapalawak nito ng passport processing sa pamamagitan ng pagbubukas ng mas maraming DFA-TOPS sites.
“Maganda po ang ginawa ni Secretary Locsin. Kung mapaparami pa po ang mga yan, mababawasan ang backlog sa passport applications,” ani Villanueva.
Ayon sa pinakahuling ulat ng DFA, nasa 420,205 OFWs sa iba-ibang bansa na apektado ng COVID ang na-repatriate ng pamahalaan dahil sa pagsasara ng negosyo.
“Para sa marami sa kanila, forced vacation po ito, at mabuti at matatapos na rin. Marami din sa kanila, expired na po ang mga passport. So kailangan talaga nating i-level up ang passport processing.”
“Para sa marami sa kanila, forced vacation po ito, at mabuti at matatapos na rin. Marami din sa kanila, expired na po ang mga passport. So kailangan talaga nating i-level up ang passport processing,” ani Villanueva.
Aniya, dapat siguruhin ang pagbubukas ng pandaigdigang ekonomiya sa susunod na taon, armado ng ang mga OFWs ng pinakamahalagang dokumento na kakailanganin nila sa pagtatrabaho.
Kahit ang mga hindi OFWs ay makikinabang sa pagbubukas ng mas maraming passport processing centers.“
Kasama rin po dito yung mga lolo at lola na sabik ng makabisita sa kanilang mga anak at apo na naninirahan sa ibang bayan,” sabi ni Villanueva.
Noong 2020, itinalaga ng DFA sa 4.2 milyon ang gagawing passport subalit 1.73 milyon lamang ang na-isyu. Nag-target din ng 4,556,325 na passport sa taong ito, subalit hanggang nitong Hulyo ay 1,281,836 lamang ang na-release.“
Dahil sa COVID surges, maraming mga kababayan natin ang hindi nakapag-apply ng passport. Dagdag pa po dito ang domestic travel restrictions plus health protocols. Kaya pag bumaba po ang mga cases ng COVID, asahang tataas ng applications for passports,” ani Villanueva.
Isa si Villanueva sa mga pangunahing may-akda ng Republic Act 10928 na naglalayong palawigin sa 10 taon ang bisa ng passport ng Pilipinas.
Isa rin sa mga probisyon ng panukalang magtatayo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos ang pagpapabilis at pagpapadali ng pagkuha ng pasaporte at iba pang dokumento na kailangan ng mga OFWs at mangingibang bayan.