Usaping trabaho: Bilyong utang ng PhilHealth sa mga ospital, magdudulot ng ‘brain drain’ sa healthcare workers --Villanueva
Ang pagkabalam ng pagbabayad ng utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital ay magdudulot ng malaking kahirapan sa mga pagamutang ito na mapanatili ang mga healthcare workers o HCWs sa frontlines, ayon kay Senator Joel Villanueva.
“Isa po itong usaping trabaho. Pag mabagal ang reimbursement, mas mabilis ang pag-alis ng mga healthcare workers sa mga ospital dito sa atin,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
PhilHealth dapat ang maging dahilan para sila ay manatili, hindi ang mitsa ng kanilang pag-alis, lalo na sa panahong maraming recruiter sa ibang bansa na naghahanap ng talento ng Pilipino sa larangang medikal, sabi pa ni Villanueva.
Dagdag pa niya, kapag nabawasan ang HCWs sa mga ospital, ang publiko ang mas nahihirapan dahil sa kakulangan ng mag-aalaga sa kanila.
“Madami ka ngang bakanteng kama sa ospital, pero kung wala namang gagamot o titingin sayo, walang rin itong kwenta,” aniya.
“Isa po itong usaping trabaho. Pag mabagal ang reimbursement, mas mabilis ang pag-alis ng mga healthcare workers sa mga ospital dito sa atin."
“Sa panahon ng pandemya na dapat ‘all hands on deck,’ ang responsibilidad ng PhiHealth ay siguraduhing maayos na nag-ooperate ang mga frontlines. Para itong logistical provider para makapagtrabaho ng maayos ang mga frontliners natin,” sabi pa ng senador.
“Kritikal ang reimbursement mula sa PhilHealth. Yan ang dapat maintindihan ng gobyerno,” dagdag ni Villanueva.
Isang opisyal ng 700-member Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. o PHAPi ay nagpahayag nitong Lunes na hanggang Agosto, umabot na sa P20 bilyon ang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital.
Ani Villanueva, “zero backlog goal” ang dapat gawin ng PhilHealth sa pagbabayad nito ng utang bago matapos ang taon.
Dahil kung ito ay mabibigo sa layuning ito, tinutulungan lang ng PhilHealth ang mga recruiter sa ibang bansa na pitasin ang mga HCWs ng bansa.