Villanueva: Libreng TESDA training para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, susi sa pagbangon mula sa pandemya
Muling tinumbok ni Senator Joel Villanueva ang kahalagahan ng pagbibigay ng libreng training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang bahagi ng programa ng gobyerno upang ibalik ang trabaho ng milyun-milyong Pilipinong nawalan ng hanapbuhay bunsod ng pandemya.
Ayon kay Villanueva, na chairman ng Senate labor committee, ang proposed P14.5 billion budget ng TESDA para sa susunod na taon ay makakapagbigay ng scholarship sa iba’t ibang training programs, base sa pangangailangan ng new normal job market.
“Sa kabuuan ng pagdinig, pinagusapan at tinalakay po natin ang mga datos at numero, na hindi nadarama ng ating mga kababayan. Tingnan po natin ang kakayanan ng TESDA na magdala ng masayang pagbabago sa bawat graduate na makakahanap ng trabaho dahil sa training,” ani Villanueva. “Kaya po nakakalungkot na lang ang sitwasyon ng bawat kababayan nating hindi nakapag-training at nawalan ng pagkakataong makahanap ng trabaho dahil sa COVID restrictions at underutilization ng scholarship funds.”
“TESDA po ang magsisilbing backbone ng pag-recover ng ating ekonomiya. Kayo po sa TESDA ang puso ng National Employment Recovery Strategy o NERS na kailangan ng lahat ng suporta ng gobyerno,” dagdag pa ni Villanueva, na nanungkulan bilang director general ng TESDA at nabansagang TESDAMAN dahil sa kanyang mga programang nag-angat sa pananaw sa tech-voc education.
“Sa kabuuan ng pagdinig, pinagusapan at tinalakay po natin ang mga datos at numero, na hindi nadarama ng ating mga kababayan. Tingnan po natin ang kakayanan ng TESDA na magdala ng masayang pagbabago sa bawat graduate na makakahanap ng trabaho dahil sa training.”
Pinaaalala ni Villanueva na isa sa bahagi ng NERS ay ang pag-promote sa retooling at upskilling ng mga manggagawa, at bahagi nito ang iba’t ibang mga programa ng ahensiya.
Pinunto rin ng senador ang tila mabagal na pagpuno sa halos 500,000 scholarship slots na bahagi ng TESDA budget ngayong taon. Hiniling rin niya ang malinaw na catch-up plan para punan ang bakanteng 333,919 scholarship slots sa nalalabing tatlong buwan na taon. Ayon sa datos ng TESDA, nakapagpasok sila ng 158,966 na scholars, o 43 percent ng kanilang target, sa pagitan ng Enero hanggang Setyembre ngayong taon.
Tinanong rin ni Villanueva ang pamunuan ng TESDA tungkol sa pagpapatupad ng Tulong Trabaho Scholarship Program, na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11230 o Tulong Trabaho Act na isinulong ng mambabatas bilang principal author at sponsor.
Nagbibigay ng libreng tech-voc education ang batas batay sa kasalukuyang demand ng job market, paliwanag ni Villanueva.
Pinaalalahanan ni Villanueva si TESDA director general Isidro Lapeña sa kahalagahan ng budget ng ahensiya sa susunod na taon “dahil ito ang budget na mag-aahon sa milyun-milyon nating kababayan na nawalan ng trabaho bunsod ng pandemya.”