Villanueva, nag-anunsyo ng kanyang Senate reelection bid; ‘Training para sa manggagawa, susi sa pagbangon ng ekonomiya’

Ang kakayahan ng bansa na ibangon ang ekonomiya ng bansa sa panahon ng pandemya ay nakasalalay sa kung paano ito bibigyan ng sapat na pagsasanay ang mga manggagawa upang umayon sa “new normal,” ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

Sa kanyang talumpati sa paglunsad ng Tulong Trabaho Scholarship Program, sinabi ni Villanueva sa higit na 500 scholars na retooling at upskilling ang paraang upang maging employable muli habang nanunumbalik ang sigla ng ekonomiya ng bansa na lubhang napuruhan sa COVID-19 pandemic.

 

“Mukhang hindi na po tayo babalik sa dati bago ang pandemya,” sabi ni Villanueva, chair ng Senate labor committee. “Ang ating ekonomiya ay nakakaranas ng retooling ngayong panahon na nangangailangan ng mga manggagawang nakapag-reskill.”

 

“Trabaho ang lagi nating trabaho. Ito po ang misyon natin noon, ngayon, at sa hinaharap,” dagdag pa Villanueva, na nakilala bilang “Tesdaman” matapos sa kanyang matagumpay na panunungkulan bilang director general ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) mula 2010 hanggang 2015.

 

“Sa ngalan po ng pangarap ng mga kabataang pilipino, ipagpapatuloy po natin ang misyon ni Tesdaman sa Senado para sa Trabaho, Edukasyon, Serbisyo, Dignidad at Asenso ng bawat Pilipino,” ani Villanueva, habang tinutukoy ang kanyang layuning lumikha at i-sustain ang trabaho.

 

Buti na lamang, aniya, at nakapag-train ng mahigit 20 milyong manggagawa ang bansa sa pamamagitan ng TESDA nitong nakaraang dekada.

 

Nanawagan si Villanueva sa pamahalaan na gamitin ang “TESDA way” sa paghahanda ng labor force sa pagbabago ng pangangailangan ng ekonomiya.

 

"Sa ngalan po ng pangarap ng mga kabataang pilipino, ipagpapatuloy po natin ang misyon ni Tesdaman sa Senado para sa Trabaho, Edukasyon, Serbisyo, Dignidad at Asenso ng bawat Pilipino.”

“Hindi po ba sa gera, naghahanda tayo sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga sundalo? Ganun din ang gawin natin ngayon. I-train ang mga manggagawa para sa mga trabahong magbabangon sa ating ekonomiya,” he said.

 

Hinamon din niya ang mga kandidato sa pagka-pangulo sa susunod na halalan na gawing prayoridad ang tech-voc education sa kanilang mga plataporma.

 

Aniya, malaki ang maitutulong ng tech-voc graduates sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya ng bansa, dahil sila ang mga frontliners sa panahon ng pandemya.

 

Nagtalumpati si Villanueva sa programa, na inorganisa ng National Capital Region office ng TESDA, kung saan 500 indibidwal kabilang ang mga displaced workers, returning OFWs, out of school youth, at employed individuals ang naging bahagi ng Tulong Trabaho Scholarship Program, na binuo sa ilalim ng Republic Act No. 11230.

 

Ani Villanueva, principal author at sponsor ng RA No. 11230, na layunin ng batas na palakasin pa ang kwalipikasyon ng mga manggagawang Pilipino upang tugunan ang mabilis na pagbabago sa job market.

 

Layunin ng batas, na pinirmahan noong 2018, na tugunan rin ang job-skills mismatch na laganap sa labor market sa pamamagitan ng pagtutugma ng pangangailangan ng industriya sa kasalukuyang available skills ng mga manggagawa.

 

Nakatanggap ng P1 bilyon sa ilalim ng 2021 national budget ang Tulong Trabaho Scholarship Program, na inaasahang makakatulong sa higit 40,000 na katao. Bahagi ito ng National Employment Recovery Strategy na inilunsad ng gobyerno noong Mayo upang ibalik ang mga nawalang trabaho sa job market.