Villanueva: Panukalang magtatatag ng DMWOF, malapit nang maaprubahan

Tinapos na ng mga senador ang interpellation sa panukalang naglalayong magtayo ng isang departamento na tutugon sa pangangailangan ng mahigit 10 milyong Pilipino na nasa ibang bansa, at malapit nang maaprubahan ng Senado ang bill na pinamamadali ng Malacañang.

 

Ayon kay Senator Joel Villanueva, chairman ng Senate labor committee, “nasa 4th quarter na ng isang laro” ang status ng panukalang magtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos, nang matapos ang period of interpellation and debates nitong Miyerkules.

 

Sa pagbabalik-session ng Senado sa susunod na buwan, nasa period of amendments na ang panukala upang palakasin at pagandahin ang mga probisyon nito.

 

“Kung ihahalintulad ang panukala sa isang gusali, floor-by-floor, at room-by-room ang ginawang pagtatalakay ng mga senador dito. Ganun po kasinsin kasi ganun kahalaga ang departamentong ito sa kanila,” ani Villanueva.

“Kung ihahalintulad ang panukala sa isang gusali, floor-by-floor, at room-by-room ang ginawang pagtatalakay ng mga senador dito. Ganun po kasinsin kasi ganun kahalaga ang departamentong ito sa kanila.”

Paliwanag pa niya, ang mahabang diskusyon at debate ng mga senador ay nakatutok sa paglilinaw ng mandato ng DMWOF, DOLE at ng DFA, nang sa gayon ay hindi magkaroon ng dobleng trabaho o duplication ng responsibilidad sa pagitan ng dalawang departamento.

 

“Kailangan talaga ng klaro na division of labor para maayos ang trabaho ng bawat sangay ng gobyerno,” sabi ni Villanueva.

 

“Isa pang usapin na tinalakay ng masusi ay ang pagprotekta sa OWWA Trust Fund. Hindi po dapat pinopondohan ng mga OFW-members ng OWWA ang sarili nilang repatriation program, lalo na ang mga repatriation tuwing may emergency. Ang repatriation ay pinopondohan dapat sa ilalim ng general appropriations act, at hindi kinukuha sa OWWA funds,” ani Villanueva.

 

Tuloy-tuloy ang pagbabalangkas sa panukala habang nasa recess ang Kongreso, ayon kay Villanueva. Dagdag pa niya, magsisilbing gabay ang impormasyong nakuha sa debate at diskusyon tungkol sa panukalang DMWOF.