Dagdag benepisyo para sa mga healthcare workers, isinusulong ni Villanueva

Isinusulong ni Senator Joel Villanueva ang pagpasa ng panukalang karagdagang benepisyo para sa mga healthcare workers, na inilarawan niya bilang malinaw na aksyon sa pagbibigay-pugay sa kanilang mga sakripsyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.

 

“Kayang-kaya po natin papurihan sa salita ang lahat ng ating mga healthcare workers. Sigurado pong malulugod sila. Ngunit mas mabigat ang halaga ng pag-aksyon kaysa pagbigkas ng mga salita,” ani Villanueva sa kanyang co-sponsorship speech para sa Senate Bill No. 2421 na magbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga healthcare workers tulad ng special risk allowance, hazard pay, at iba pa.

 

“Simula noong hindi pa po natin nauunawaan ang kabuuang problemang dala ng COVID-19, noong akala nating matatapos ang lockdown sa loob ng dalawang linggo, di alintana sa ating mga healthcare workers ang panganib at tumugon sila kaagad sa kani-kanilang mga duty,” dagdag ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee.

 

“Sa puntong ito, tapatan natin ng mga konkretong aksyon at benepisyo ang sakripisyo ng ating mga health care worker na binibigay ang sarili nila nang buong-buo para labanan ang COVID-19,” aniya.

“Kayang-kaya po natin papurihan sa salita ang lahat ng ating mga healthcare workers. Sigurado pong malulugod sila. Ngunit mas mabigat ang halaga ng pag-aksyon kaysa pagbigkas ng mga salita.”

Ayon sa datos ng Department of Health, mayroong 25,411 na medical at nonmedical frontline workers ang nahawa sa COVID-19, at 366 rito ay kasalukuyang active case.

 

Maliban sa mga medical frontliners, kasama rin ang mga nonmedical healthcare workers na exposed sa panganib ng nakakahawang sakit. Kabilang sa hanay ng mga nonmedical healthcare workers ang mga barangay health workers, administration staff, utility and social workers, dietary staff, security guards, drivers at maging ang iba pang hospital employees, paliwanag ng mambabatas.

 

Ang sitwasyon nila ay nagiging mas mabigat pa sa staffing issues na nararanasan ng mga ospital dahil may ilan sa kanilang hanay ang pinipiling mag-resign o mag-retiro dahil sa pagod at overwork.

 

“Ang tanging hiling lang po natin ay masigurong natatanggap ng ating healthcare workers ang kanilang benepisyo na kanilang pinagtrabahuhan. Wala na po sanang delay sa pagbabahagi nito dahil pinagtrabahuhan nila ang bawat sentimo nito,” ani Villanueva.

 

Kasama sa benepisyo na nais ibahagi sa mga healthcare workers ang COVID risk allowance, kompensasyon para sa mga magkakasakit ng COVID, regular na testing, at full Philhealth coverage, ayon kay Villanueva. Giit pa ng mambabatas, kailangan rin na malinaw ang schedule ng pagbabahagi ng mga benepisyo.