Hazard pay at allowance para sa lahat ng healthcare workers, isinulong ni Villanueva

Isinusulong ni Senator Joel Villanueva ang pagbibigay ng hazard pay at allowance sa lahat healthcare workers na araw-araw humaharap sa peligro ng COVID-19 sa mga pribado at pampublikong pagamutan.

 

Sa pagdinig ng Senado sa Senate Bill No. 2371, o ang Benefits for Healthcare Workers Act, inendorso ni Villanueva hindi lamang ang pagdoble sa natatanggap na Special Risk Allowances o SRA at ng Active Hazard Duty Pay o AHDP para sa HCWs, kundi ang pagbibigay na rin ng mga naturang allowance sa mga non-medical HCWs tulad ng barangay health workers, admin staff, utility workers, social workers, dietary staff, security guard, drivers at iba pang emplyeado ng ospital.

 

“Iminumungkahi po natin ang pagpapalawak ng sakop ng panukala para maisama ang mga non-medical healthcare workers,” ani Villianueva, chair ng Senate labor committee.

 

“Exposed din po ang ating mga non-medical healthcare workers sa COVID-19 sa kanilang mga trabaho, kasi hindi mo naman malalaman kung sino ang may virus sa mga naka-interact nila. Airborne po yung virus and mas nakakahawa ang Delta variant,” dagdag pa niya.

 

Ani Villanueva, hindi pwedeng sabihin na hindi dapat tumanggap ng hazard pay at allowance ang mga non-medical HCWs dahil ang realidad ay malaki ang posibilidad na magkaroon ng COVID-19 dahil sa kanilang trabaho,

 

Giit pa ni Villanueva, hindi naman nagkakalayo ang non-medical HCWs sa medical HCWs pagdating sa “case fatality rate” o ang bahagdan ng namamatay sa bilang ng kaso ng COVID-19.

“Iminumungkahi po natin ang pagpapalawak ng sakop ng panukala para maisama ang mga non-medical healthcare workers.”

Ayon sa datos ng DOH, ang case fatality rate sa mga nurses is 1% habang ang sa mga doktor ay nasa 0.3%. Bagamat ang bilang ng nagkakasakit sa COVID-19 ay mas mababa, ang fatality case rate para sa non-medical HCWs tulad ng hospital employees ay 4.3%, 1.1% para sa mga admin staff at 0.7% naman para sa barangay health workers.

 

Dagdag pa ni Villanueva, ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa mga non-medical HCWs ay umabot sa 2,157 mula sa 24,895 na kabuuang bilang ng kaso sa lahat ng HCWs, o 8.7%.

 

Kailangan din umano ng DOH na ayusin ang mga datos nito dahil ayon dito, may 526,727 HCWs sa inisyal na bilang ng ahensya na nangangailangan ng dagdag benepisyo na maaari pang tumaas.

 

Kung may maayos na datos, aniya, mas malalaman kung ano ang nararapat na benepisyo ang maaaring ibigay ng pamahalaan para tumbasan ang sakripisyong binibigay ng mga HCWs.

 

Sa isyu naman ng naaantalang pagbibigay ng SRA at AHDP sa mga HCWs, iminungkahi ni Villanueva naunahin ang proseso ng pag-download ng pondo sa mga ospital at tingnan kung mas mapapadali kung fixed at hindi pro-rated ang mga benepisyo.

 

“Pag-aralan po natin kung mas magiging effective kung idadaan sa DOLE ang pagbibigay ng mga benepisyo sa mga private healthcare workers. Let us not allow bureaucratic procedures to get in the way of our fight against COVID-19,” dagdag niya.