Villanueva, hinikayat ang Senado na ipasa ang panukalang maglilinaw sa probisyon ng pagbubuwis sa mga paaralan sa ilalim ng CREATE law
Magsisilbing salbabida ng mga private educational institutions ang panukalang batas na maglilinaw sa probisyon ng pagbubuwis sa mga paaralan, na lubhang tinamaan ng pandemya, ayon kay Senator Joel Villanueva.
“Hindi po natin maikakaila na isa sa mga lubhang tinamaan ng pandemya ang sektor ng edukasyon. Sinusuportahan po natin ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2407 dahil maraming trabaho at kabuhayan po ang maliligtas nito sa sektor ng edukasyon sa bansa,” ani Villanueva sa kanyang talumpati.
Layuning amyendahan ng panukala ang Section 27 ng National Internal Revenue Code upang gawing malinaw na kwalipikado ang mga proprietary educational institutions sa 1% tax sa ilalim ng CREATE law.
“Hindi po natin maikakaila na isa sa mga lubhang tinamaan ng pandemya ang sektor ng edukasyon. Sinusuportahan po natin ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2407 dahil maraming trabaho at kabuhayan po ang maliligtas nito sa sektor ng edukasyon sa bansa.”
Sa kanyang co-sponsorship speech tungkol Senate Bill No. 2407 noong Martes, sinabi ni Villanueva na makakatulong ang panukala sa libu-libong mga paaralan, kung saan higit sa 800 na ang nagsara dahil sa pandemya.
“Ngunit hindi pa po bumabalik sa pre-pandemic level ang enrollees sa private schools,” dagdag pa ni Villanueva, chair of the Senate higher and technical and vocational education committee. Ang dahilan, ayon sa mambabatas, ay sumadsad ang enrollment ng halos kalahati mula sa pre-pandemic enrollment sa mga private schools na umabot sa 4.3 million students.
Inilarawan ni Villanueva ang mga pribadong paaralan bilang katuwang ng estado sa pagtuturo sa mga kabataan.
“Nais po natin tulungan mapagaan ang pasanin ng 14,435 private basic education institutions, 1,729 private universities at colleges, at 4,001 private technical and vocational institutions dito sa ating bayan,” ayon sa senador, na siya ring vice chair ng Senate basic education committee.