Villanueva, pinuna ang PRC sa muling pagkansela sa LET; ‘Paano na makakahanap ng trabaho ang mga bagong teacher graduates?’
Pinuna ni Senator Joel Villanueva ang Professional Regulation Commission (PRC) sa muli nitong pagkansela sa nalalapit na Licensure Exam for Teachers (LET), pitong araw bago ang schedule nito sa Setyembre 26.
Tila “stuck in the past” ang komisyon dahil hindi pa rin nito nasunod ang mandato ng PRC Modernization Act of 2000 na nagtakda sa komisyon na gawing “fully computerized” ang pagsusulit, paglalarawan ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee.
“Ito pong mga postponement at cancellation ay nangyayari na po sa nakalipas na halos dalawang taon na. Nauunawaan po natin ang kaakibat na health risks sa pagsasagawa ng board exams,” ani Villanueva.
“Paasa. ‘Yan po ang description sa PRC ngayon ng ating mga kababayan. Ang problema, hindi lang naman po kumukuyakoy na naghihintay sa bahay ang mga examinees. Nagbabayad po ang mga ‘yan sa mga review centers, hindi pa kasali ang non-refundable P900 application fee nila sa PRC, at higit sa lahat hindi sila makapag-apply ng trabaho dahil wala silang mga lisensiya,” dagdag pa ni Villanueva.
Paliwanag ni Villanueva, maraming LET takers na ang sumailalim sa 14-day quarantine, na bahagi ng requirements ng PRC. Isang abala ang biglaang pagkansela sa LET, lalo na sa mga takers na nag-leave pa sa kani-kanilang mga trabaho, anang mambabatas.
Mula sa 101 board exams na nakatakdang idaos, 24 lamang ang natuloy, ayon kay Villanueva, na matagal nang hiniling sa komisyon na ilatag ang malinaw na plano para isagawa ang mga board exams ngayong panahon ng pandemya.
“Ito pong mga postponement at cancellation ay nangyayari na po sa nakalipas na halos dalawang taon na. Nauunawaan po natin ang kaakibat na health risks sa pagsasagawa ng board exams.”
“Wala pa rin pong binibigay na proposal ang PRC kung paano natin sila matutulungan. Wala rin po sa kanilang proposed budget ang computerization ng board exams,” ani Villanueva. “Nangyayari po ito kahit na malinaw sa PRC Modernization Act na dapat minamandato ang full computerization ng board exams pagdating ng 2003.”
Ngayong halos dalawang taon nang paulit-ulit na nakakansela ang LET, dalawang taon na rin nabibitin ang mga teacher graduates. “Hindi po makahanap ng trabaho ang ating mga teacher graduates, samantalang hindi rin po makakuha ang iba sa kanila ng ranking sa DepEd.”
“Hindi po makapag-renew ng kontrata ang ibang senior high school teachers sa DepEd dahil kailangan nilang kumuha at pumasa sa LET. Idinulog na po natin itong usapin na ito sa PRC noong Marso 15, 2021,” Villanueva said.
“Tila nasa ‘wait and see’ lamang ang PRC. Habang patuloy ang pagtatapos ng mga graduates sa kolehiyo sa pamamagitan ng flexible learning, tila stuck in its old ways ang komisyon at humahadlang ito sa pagkakataong magkatrabaho ang ating mga fresh graduates,” ayon kay Villanueva.
“Hanggang kailan po ba mauunawaan ng PRC na hindi na maaaring ipagpatuloy ang kanilang nakagisnang paraan ng pagsasagawa ng board exams?” aniya.