Villanueva, hinimok ang Pharmally na patuyang binayaran nito ang mandated contributions ng kanilang empleyado
Hinimok ni Senator Joel Villanueva ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na patunayang nagbayad sila ng mga mandatory contributions ng kanilang mga empleyado noong 2020, salungat sa mga regulatory reports na isinumite nila sa mga ahensya ng gobyerno.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Biyernes, tinanong ni Villanueva si Pharmally chief executive Huang Tzu Yen kung talagang nagbayad ang kumpanya nila ng mandated contributions tulad ng SSS, PhilHealth at Pag-ibig ng kanilang pitong full-time na empleyado.
“Mayroon po tayong mga dokumento nagsasaad na zero payments po kayo sa mga government-mandated contributions tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-ibig. Gusto po natin malaman kung nabayaran po ba ang mga mandatory contributions na ito,” ani Villanueva, na hiniling rin sa kumite na maglabas ng subpoena para sa mga dokumentong magpapatunay na nagbayad ang Pharmally ng mga naturang kontribusyon.
“We have reason to believe that these mandatory government contributions are not being paid,” dagdag ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee. “Hindi nga nakakalikha ng trabaho, hindi pa nagbabayad ng mandatory contributions.”
Pinunto ni Villanueva na ang taunang sahod na umano’y binayad ng kumpanya sa kanilang mga full-time na empleyado ay hindi sapat para bayaran ang mga opisyal nito, tulad ng isang general manager na kadalasang nangangasiwa sa operasyon ng kumpanya.
“We have reason to believe that these mandatory government contributions are not being paid. Hindi nga nakakalikha ng trabaho, hindi pa nagbabayad ng mandatory contributions.”
Ang mga kumpanyang may mas maliit na kita, tulad ng tinaguriang “mom-and-pop shops,” ay kumukuha ng mas maraming manggagawa at gumagastos ng mas malaki para sa sahod ng kanilang mga tauhan.
“Yung may isawan at barbequehan sa kanto, na P50,000 siguro ang kapital, makikita po natin na tatlong tao nagtutulungan. Itong Pharmally, na ‘platinum’ supplier ang turing ng gobyerno, ay mukhang one-man operation lang,” anang mambabatas. “Mas marami pa yata ang trabahong na nalilikha ng isang kababayan natin na may T-shirt printing business sa bahay."
Dagdag pa niya na ang payroll-to-sales ratio ng Pharmally ay hinigitan pa ang tala ng mga blue-chip companies.
Ipinapakita rin ng kakarampot na personnel compensation ng Pharmally na tumatayo ito bilang isang “middle man, na walang pag-aari nang ni-isang makinang panahi, at hindi bumili ng kahit isang yarda ng tela, ngunit kumita lamang bilang isang broker.”
Ikinalungkot ni Villanueva ang nasayang na pagkakataon para lumikha ng trabaho para sa mga lokal na manufacturer ng PPE nang ma-award “ang isang malaking kontrata na binayaran gamit ang buwis ng taumbayan ay napunta lamang sa ibayong dagat.”
Giit pa niya ang kahalagahan sa mga ahensya ng gobyerno na tangkilikin ang gawang Pilipino kapag namimili ng mga gamit, basta't tumatalima ito sa mga kasalukuyang panuntunan at titik ng batas.