Villanueva: Nawalan ng trabaho ang manggagawang Pilipino, sadsad ang operasyon ng lokal na manufacturers nang piliin ng PS-DBM ang banyagang kumpanya para sa PPE requirement ng gobyerno

Libu-libong manggagawang Pilipino ang nawalan ng trabaho at mga lokal na negosyo ang lubhang apektado sa pagpapasya ng gobyernong piliin ang isang dayuhang kumpanya para mag-supply ng personal protective equipment.

 

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee tungkol sa audit findings ng Department of (DOH), pinunto ni Villanueva na mahalagang talakayin ang usapin ng kawalan ng trabaho na isa sa naging sanhi ng diumanong ma-anomalyang pagbili ng PPE sets mula sa kumpanyang Pharmally Pharmaceutical Corp.

 

Inilarawan ni Villanueva ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) bilang “kontrabida” ng mga manggagawang Pilipino at mga lokal na manufacturers na nabitin at naiwan sa ere sa kasagsagan ng pandemya.

 

“Ano po ang tama nito sa mga manggagawa?” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee, sa pagdinig noong Martes. “Narinig po natin na ang mga local manufacturers na kasama sa Confederation of Wearable Exporters of the Philippines ay kinailangang mag-retrench ng 25,400 na empleyado noong nakaraang taon.”

 

Sinabi ni Villanueva ang kanyang obserbasyon matapos banggitin ni Fernando Ferrer, chairman at CEO ng EMS na isang Filipino electronics assembly firm, na ang kumpanya niya kasama ang iba pa ay tumugon sa panawagan ng gobyerno na pihitin ang kanilang mga pagawaan upang makapag-produce ng PPEs. Ngunit tila na-balewala ang kanilang adjustment nang i-award ng PS-DBM ang mga kontratang nagkakahalaga ng P8.7 billion sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

 

“Narinig po natin na ang mga local manufacturers na kasama sa Confederation of Wearable Exporters of the Philippines ay kinailangang mag-retrench ng 25,400 na empleyado noong nakaraang taon.”

Dagdag pa ni Villanueva, kung nasunod lamang ang malinaw na probisyon sa ilalim ng mga Bayanihan laws na nagbibigay ng pagkiling sa procurement ng PPEs mula sa local manufacturers, maraming manggagawa ang hindi mawawalan ng trabaho at makakatugon sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

 

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, tumaas sa US$71.96 million, o tinatayang P3.60 billion, ang kabuuang halaga ng pag-angkat ng Pilipinas sa mga PPE at medical supplies noong June 2021.

 

“Parang klaro po dito na ang kontrabida sa paglikha ng trabaho ay ang PS-DBM mismo,” ani Villanueva. “Ilang manggagawa ang natulungan sana.”

 

Sa kanyang pagtugon sa tanong ni Villanueva, sinabi ni Ferrer na kumuha ang kanyang kumpanya ng 350 manggagawa noong kasagsagan ng paggawa ng mga PPE sa kanilang pagawaan. Kung ipinagpatuloy lamang ang pag-supply ng EMS sa face masks, nakalikha pa sana ang kanilang operasyon ng dagdag 200 manggagawa.

 

Giit ng senador na maliban sa pagsuporta sa mga lokal na manufacturers, muli ring sisigla ang ekonomiya sa mga karatig-lugar ng mga pabrika at pagawaan, kung mananatiling parokyano ang gobyerno ng mga locally-made products tulad ng PPE.