Villanueva, hinimok ang PAGCOR, COA na pangalanan ang 15 delikwenteng POGO

Walang nakikitang dahilan si Senator Joel Villanueva kung bakit hindi dapat pangalanan ng COA at PAGCOR ang labinlimang Philippine offshore gaming operators o POGO na nag-iwan ng P1.365 bilyong utang sa gobyerno sa license fees.

 

Anang senador, hindi dapat pinapayagan ng gobyerno ang 15 POGO na ito na makaiwas na lang sa pagbabayad ng utang sa gobyerno lalo na sa panahon na kailangang kailangan ito sa mga pampublikong programa.

 

“Isa-publiko na po sana ng PAGCOR at COA ang mga delinkwenteng POGO na ito. Dapat ay makilala sila ng mga taumbayan,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee na siyang nanguna sa imbestigasyon laban sa mga iligal na manggagawa ng mga POGO.

 

“At para sa mga nandadaya sa gobyerno, mas lalong dapat po maging publiko ang kanilang mga pangalan. Para sa mga nagsara na at umalis na lang nang may mga utang pa, dapat pong ikalat ang kanilang mga pagkakakilanlan at hindi ikubli,” dagdag pa niya.

 

Ayon sa PAGCOR, walo sa 15 POGO na ito ay kanselado na ang mga lisensya, isa ang nasa ilalim ng suspensyon, at tatlo ay nirerepaso.

“Isa-publiko na po sana ng PAGCOR at COA ang mga delinkwenteng POGO na ito. Dapat ay makilala sila ng mga taumbayan.”

Hindi umano maintindihan ni Villanueva kung bakit hindi pinangalanan ng COA at PAGCOR ang mga delinkwenteng POGO na ito, lalo na’t nagmukhang “hit and run” ang nangyari.

 

“Kung inilalathala nga po natin sa diyaryo ang mga pangalan ng mga taong 'di nakakabayad ng amilyar, bakit hindi po natin gawin sa mga foreign gambling operators na ang pagkukulang sa gobyerno ay di hamak na mas malaki?” anang senador.

 

“Hindi po barya ang utang nila pero bilyon. Yung topnotcher, P462 million ang atraso. Yung second place, P179.7 million. Yung pangatlo, P174 million. Hindi po ito halagang pantaya lang sa beto-beto, kundi nasa level na ng pandarambong.”

 

Sabi pa ni Villanueva, madami umanong manggagawa sa gobyerno ang nakakatanggap ng “notice of disallowance” dahil lamang hindi naka-liquidate ng maliliit na halaga.

 

“Dapat habulin po ng PAGCOR ang mga POGO na ito kahit na pumunta pa sila sa Great Wall sa norte. Hindi dapat payagan ang ganitong hit and run,” aniya.