Villanueva: P15.1 B halaga ng DepEd modules ang penalty sa ating kakulangan sa digital infra, at sa pag-manage sa epekto ng pandemya sa mga mag-aaral
Aabot sa P15.1 billion ang halaga ng mga “sariling sikap” na learning modules sa mga public schools, isa sa pinakamalaking budget item sa ilalim ng proposed P629.8 billion obligation budget ng Department of Education sa susunod na taon, ayon kay Senator Joel Villanueva.
“Ang pondo po para sa pagtatayo ng mga bagong silid aralan ay P2.92 billion. Para sa mga bagong upuan at mesa, aabot naman sa P1.1 billion,” ani Villanueva, vice chair ng Senate basic education committee.
Pinunto ni Villanueva na tila mas malaki pa ang gagastusin ng gobyerno sa mga single-use modules na nililimbag ng mga paaralan at kinnukuha ng mga magulang para sa mga mag-aaral kumpara sa budget para sa mga textbooks.
Maging ang construction budget na hinihiling ng DepEd sa susunod na taon, na aabot sa halagang P7.9 billion, ay kalahati lamang ng proposed outlay na tinatawag ngayon bilang self-learning modules (SLM).
Sa pagtaya ni Villanueva, maaari pang mahigitan sa actual spending ang balak ilaan na P15.1 bilyong pondo dahil maaari pang dagdagan ng mga paaralan ang pondo sa printing na pwedeng “kuhanin sa kani-kanilang mga maintenance and other operating expenses fund.”
Inilarawan ni Villanueva ang P15.1 bilyong pondo bilang “katumbas na halaga sa ating kakulangang kontrolin ang epekto ng pandemya na siyang pangunahing dahilan kung bakit hindi pa rin makabalik ang mga mag-aaral sa face-to-face classes.”
“Ang pondo po para sa pagtatayo ng mga bagong silid aralan ay P2.92 billion. Para sa mga bagong upuan at mesa, aabot naman sa P1.1 billion.”
“Masasabi rin po natin na ito ay isang penalty sa kakulangan ng ating digital infrastructure na nagiging balakid sa remote learning at nagpapahirap sa mga guro, learner, at maging mga magulang,” aniya.
“Ngunit kung susumahin natin, mas malaki rin po ang damage ng sitwasyon ng ating mga learners pag dating sa kaalaman, na inilalarawan ng mga eksperto bilang ‘COVID slide.’ Isa po itong trahedya na mahirap kwentahin ang epekto,” dagdag pa ni Villanueva.
Nanawagan si Villanueva sa DepEd na tuparin ang kaisa-isang kondisyon na nakakabit sa P15.1 bilyong SLM fund: Ang pagsisigurong walang mga mal isa mga modules.
Sa ilalim ng special provision na nakapaloob sa DepEd budget, ang “Error Watch Initiative” ng ahensya ang nakatoka sa pag-review ng mga learning modules, at magwawasto ng mga mali, maging sa pagtanggal at pagpalit sa mga module na may errors.
Noong nakalipas na school year, samu’t saring mga complaints sa mga DepEd modules ang napabalita dahil sa iba’t ibang mga dahilan, kasama rito ang political correctness, sadyang maling impormasyon, at maging pagkakamali sa baybay at balarila.