Villanueva, hiniling ang mas malaking allowance at hazard pay para sa healthcare workers sa 2022 budget

Nanawagan si Senator Joel Villanueva na palawigin pa sa susunod na taon ang pagbibigay ng dalawang special allowances para sa mga medical frontliners ng bansa sa ilalim ng 2022 national budget.

 

Ayon kay Villanueva, nais niyang taasan pa ang alokasyon para sa Special Risk Allowance (SRA) at ang COVID-19 Active Hazard Duty Pay (AHDP) sa 2022 national budget para mas malaki ang mauuwing salapi ng mga healthcare workers na kumakalinga sa mga may sakit ngayong panahon ng pandemya.

 

Kapag tinaasan ang laang pondo para sa SRA at AHDP, matatanggap ng mga medical frontliners ang nararapat na benepisyo para sa lahat ng kanilang sakripisyo, diin ni Villanueva, chair ng Senate labor committee.

 

Dagdag pa nya, sa ilalim ng kasalukuyang panuntunan at limitasyon sa pagbibigay ng pondo, may ilang kontraktuwal na manggagawa na hindi nabibigyan ng mga allowance na ito kahit pa pareho lang naman ang peligrong kinakaharap nila.

 

“Hindi po namimili ang virus, pero bakit ang gobyerno ay namimili kung sino ang mabibigyan at hindi makakatanggap?” anang senador.

 

Kung mas malaki umano ang budget para sa AHDP at SRA sa national budget, sinabi ng mambabatas na mas malaki ang matatanggap ng mga healthcare workers at mas marami ang mabibigyan nito kung malinaw ang mga panuntunan.

 

“Kung pwede lang po sanang gamitin natin ang Olympic motto na ‘faster, higher, stronger’ sa paggawad  ng benepisyo sa mga doktor, nurses, at iba pang health workers na nagbubuwis buhay sa panahon ng pandemya,” ani Villanueva.

“Hindi po namimili ang virus, pero bakit ang gobyerno ay namimili kung sino ang mabibigyan at hindi makakatanggap?”

“Mas mataas na rate, malaking pondo, at mabilis na pagbibigay ng mga benepisyong pinagtatrabahuhan ng ating mga health workers.”

 

Ang AHDP ay isang allowance na binibigay sa ilalim ng mga batas na Bayanihan sa mga public health workers, samantalang ang SRA naman ay para sa mga health workers sa pribado at pampublikong ospital.

 

At dahil ang isang public health worker ay hindi maaaring makatanggap ng higit P3,000 kada buwan ng AHDP, lumalabas na maximum na ang P136 kada araw, ayon kay Villanueva.

 

“Saan po makaabot ang P136 sa panahon natin ngayon? Kulang na po ito pang-taxi o Grab ng isang pagod na nurse. Hindi rin po sapat pambili ng value meal pagkatapos ng kalahating araw na duty sa COVID ward,” aniya.

 

Sa SRA naman, limitado sa P5,000 kada buwan, o P227 kada araw na bayad para sa “COVID ward duty,” na isa sa mapanganib na lugar-paggawa ngayon, paliwanag ni Villanueva.

 

Katulad din ng pag-mutate ng virus sa maraming variant, kailangan na din daw baguhin ang pay rates ng mga medical frontliners at tumbasan ang peligro, hirap at sakripisyo nila sa paglaban sa COVID-19.

 

Kung magkano ang halaga ng taas, malalaman umano sa pagbalangkas ng 2022 budget sa Senado, ayon kay Villanueva.

 

Pero para sa kanya, “100-percent increase” sa SRA at hazard pay ang pwedeng simula ng diskusyon.