Villanueva, nanawagang itaas ang pondong nakalaan sa pagtulong sa distressed overseas Filipinos sa 2022 national budget

Umaapela si Senator Joel Villanueva na dagdagan pa ang pondong nakalaan sa national budget sa 2022 bilang pagpapakita kung gaano kahalaga ang mga overseas Filipinos sa ating gobyerno.

 

Ayon sa National Expenditure Program para sa susunod na taon, ang pondo para sa Assistance to Nationals o ATN sa ilalim ng DFA ay nasa P1 bilyon lamang, pareho ng halagang inilaan ngayong taon. Ganun din ang pondo para sa Legal Assistance Fund o LAF, na nasa P200 milyon pa rin.

 

“Dapat pong itaas ang pondo ng ATN sa P2 bilyon. Sabi sa national budget, sapat lamang daw ang tulong na P1 bilyon para sa 145,000 overseas Pinoy. Parang P6,896 kada distressed overseas Filipino po iyan. Napakaliit naman po na halaga ito kumpara sa laki ng kanilang ambag sa ekonomiya ng bansa,” ani Villanueva, chair of the Senate labor committee.

 

“Napakaliit na halaga po nito, lalo na ngayong pandemya na marami sa ating mga kababayan lalo na yaong mga nasa ibang bansa ang humaharap sa maraming hamon. Walang pamilya o tulong na maasahan kundi ang gobyerno.”

"Dapat pong itaas ang pondo ng ATN sa P2 bilyon. Sabi sa national budget, sapat lamang daw ang tulong na P1 bilyon para sa 145,000 overseas Pinoy. Parang P6,896 kada distressed overseas Filipino po iyan. Napakaliit naman po na halaga ito kumpara sa laki ng kanilang ambag sa ekonomiya ng bansa."

Kung pagbabasehan ang halaga ng remittance ng mga overseas Filipinos noong 2020, sinabi ng senador na patuloy na nakakatulong ng malaki ang mga overseas Filipinos sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng $33.19 bilyon, o P1.646 trilyon.

 

"Ang computation po nito ay mahigit P4.5 bilyon kada araw ang remittance nila. At kung ikukumpara sa P1 bilyon na budget ng ATN para sa isang taon, katumbas lang ito ng ilang oras na remittance ng ating mga overseas Filipinos," sabi ni Villanueva.

 

"Kaya po may basehan naman talaga na itaas ang halagang ito. At naniniwala ako na ang ating mga overseas Filipinos ay marapat na binibigyan ng sapat na tulong ng ating pamahalaan," dagdag pa niya.

 

Sabi pa ni Villanueva, kung naglalaan daw umano ng safety nets ang gobyerno sa national budget tulad ng P115.7 bilyon para sa programang 4Ps, mas lalo daw na karapat dapat ang isang produktibong sektor tulad ng mga overseas Filipinos na nangangailangan ng tulong.

 

"Kahit meron pong P11.4 bilyon na nakalaan sa P12.8 bilyon na proposed budget ng OWWA sa 2022 para sa assistance sa OFWs, malaki naman ang saklaw nito kasi kasama ang reintegration services tulad ng livelihood services, reskilling at beneficiary assistance tulad ng scholarship dependents," aniya.