Villanueva, umapela sa gobyerno: Magsagawa ng skills inventory ng repatriated overseas Pinoys, ipagtugma sa kasalukuyang demand ng labor market

Nanawagan si Senator Joel Villanueva sa gobyerno na mag-imbentaryo ng kasanayan ng libu-libong mga overseas Filipinos na pinauuwi bunsod ng pandemya, at ipagtugma ang mga ito sa kasalukuyang demand sa labor market.

 

Ayon kay Villanueva, mahalaga para sa gobyerno ang magpatupad ng mga interventions sa abot ng kakayahan nito para siguruhing makakabalik sa labor market ang mga OFW na bahagi ng pinakamalawak na repatriation ng ating mga kababayan mula noong Gulf War noong 1990s.

 

“Totoo pong malawakang repatriation po ang nangyayari ngayon bunsod ng pandemya. Ang mas mahalagang usapin ngayon ay kung anong interventions ang gagawin ng ating gobyerno,” ani Villanueva sa panayam ng ABS-CBN Teledradyo noong Huwebes ng gabi.

 

“Hindi po natin nais na maging bahagi ang ating OFWs ng unemployment statistics. Mungkahi natin sa gobyerno, partikular sa DOLE at OWWA, ay mag-account ng lahat ng pinapauwing OFW at magbuo ng imbentaryo ng skills at kasanayan. I-match po natin yung available talent sa available jobs. Tungkulin po ng gobyerno na mag-facilitate sa pagitan ng mga workers at employers,” dagdag pa ng mambabatas, na pinuno rin ng Senate labor committee.

“Hindi po natin nais na maging bahagi ang ating OFWs ng unemployment statistics. Mungkahi natin sa gobyerno, partikular sa DOLE at OWWA, ay mag-account ng lahat ng pinapauwing OFW at magbuo ng imbentaryo ng skills at kasanayan. I-match po natin yung available talent sa available jobs. Tungkulin po ng gobyerno na mag-facilitate sa pagitan ng mga workers at employers.”

“Hindi na po sapat ang inaabot na P20,000 sa mga kababayan nating OFW,” giit ni Villanueva sa cash aid program ng gobyerno para sa mga OFWs.

 

Paliwanag ni Villanueva, ang malawakang pagpapauwi ng mga overseas Filipinos ay nagpapatingkad sa kahalagahan ng isang probisyon sa panukalang pagtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF) na kasalukuyang tinatalakay sa plenaryo.

 

Isa sa mga probisyon sa ilalim ng panukala ay ang pagbalangkas ng isang full-cycle at komprehensibong reintegration program para sa mga OFWs na uuwi at muling magtatrabaho sa ating bansa.

 

“Sa mga naging pagdinig natin sa panukalang pagtatatag ng DMWOF, isa po sa weak link o Achilles' heel ng ating migration policy ay ang reintegration. Kaya po isinusulong at inaaksyonan natin ito sa DMWOF, dahil nais nating maayos ang pagbabalik ng manggagawa sa ating domestic labor market,” ani Villanueva.

 

Iginiit rin ni Villanueva na hindi layunin ng bagong departamento ang pagpapadala ng manggagawa sa ibang bansa. Sa halip, prayoridad pa rin ang maglikha ng trabaho dito sa ating bayan.