Villanueva: Pagkakaroon ng 24/7 global emergency helpline, kasama sa panukala para sa DMWOF

Isa sa mga mandato ng panukalang pagtatayo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF) ay ang pagkakaroon ng isang “global 911” na tutugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipino sa ibang bansa anumang oras, lalo na sa panahon ng emergency, ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

“Ang 24/7 global emergency helpline na ito ang tutulong sa ating mga kababayan na makakaasang hindi lamang ito simpleng recorded messages o Q&A kundi maghahatid ito ng tunay na tulong lalo doon sa mga nasa emergency,” ani Villanueva.

 

“Isa po ito sa mga tungkuling iniaatas at kinakarga natin sa panukalang DMWOF,” sabi pa ni Villanueva habang tinatalakay ang SB No. 2234, ang panukalang na magtatatag ng kagawaran na tutulong sa higit na 10 milyong Pilipino sa ibang bansa, sa plenaryo ng Senado.

 

Aniya, kung ang bansa ay tinaguriang “call center capital” ng mundo, nararapat lamang na magkaroon ang bansa nito para sa sarili nitong mga mamamayan na nakipagsapalaran sa ibang bansa.

 

Si Villanueva ang principal sponsor ng SBN 2234 bilang chair ng Senate labor committee. Isa sa problema ng mga OFWs ay ang mabagal na tugon lalo na sa panahon ng emergency, dagdag ng mambabatas.

“Ang 24/7 global emergency helpline na ito ang tutulong sa ating mga kababayan na makakaasang hindi lamang ito simpleng recorded messages o Q&A kundi maghahatid ito ng tunay na tulong lalo doon sa mga nasa emergency.”

Kasama dito ang iligal na pagkumpiska ng passport, pagsuway sa kondisyon ng kontrata, illegal termination sa trabaho, pang-aabuso o karahasan at trafficking, na napag-alaman ng komite ni Villanueva sa mga public consultations na isinagawa sa mga nakalipas na buwan.

 

Upang garantiyahan na mas marami ang maabot na Pilipino sa ibang bansa, dapat na ang OFW helpline ay maaabot sa iba’t ibang platforms tulad ng telepono, text message, email o maging sa social media platforms, ayon sa mambabatas.

 

Dagdag pa ng senador, dapat umano na hindi automated lamang pagsagot sa mga tawag ng OFWs kundi mga totoong taong handang tumulong.

 

“Bagama’t marami ng AI – or artificial intelligence-assisted – na assistance systems ngayon, mas maganda pa rin po makarinig ng friendly voice on the other end of the line,” sabi ni Villanueva.  

 

Ayon sa Sec. 6 ng panukalang SBN 2234, magtatayo ang DMWOF ng isang 24/7 Emergency Response and Action Center Unit na siyang kakatawan sa global helpline.