Villanueva: Pag-export ng labor, hindi magiging polisiya ng bansa sa patatatag ng kagawaran para sa migrant workers, overseas Filipinos

Hindi magiging polisiya ng bansa ang pag-export ng labor sa ibang bansa sakaling maging batas ang pagtatayo ng isang Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos o DMWOF dahil isa sa layunin nito ang paglikha ng trabaho sa loob ng bansa, ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

Sa pagpapatuloy ng deliberasyon sa SB No. 2234 nitong Miyerkules, ipinaliwanag din ng senador na may mandatory review ang oversight committee ng Kongreso sa sitwasyon ng paggawa sa bansa 10 taon matapos maitayo ang DMWOF para malaman kung kailangan pa ng serbisyo ng kagawaran.

 

“Hangad po natin ay panahon na aalis ang mga Pilipino sa ating bansa hindi dahil sa matinding pangangailangan, kundi ayon na sa kanilang kagustuhan,” sagot ni Villanueva sa pagtatanong ni Sen. Kiko Pangilinan.

 

Naniniwala si Villanueva, chair ng Senate labor committee, na hindi naman makikipagsapalaran ang mga Pilipino sa ibang bansa kung may magandang oportunidad naman para sa kanila dito, lalo na ngayong panahon ng pandemya na napakataas ng bahagdan ng manggagawa na walang trabaho.

“Hangad po natin ay panahon na aalis ang mga Pilipino sa ating bansa hindi dahil sa matinding pangangailangan, kundi ayon na sa kanilang kagustuhan.”

Nitong Hunyo lamang, ayon sa senador, umabot na sa 7.7 percent ang unemployment rate samantalang pumalo naman sa double digits ang underemployment rate. Noong Abril, lumobo sa 17.7 percent ang unemployment rate.

 

“Sa ganitong sitwasyon, talaga pong hindi malayong maisip ng ating kababayan na mangibang bansa na lamang para humanap ng kabuhayan,” aniya.

 

“Pero mas maganda pa rin na ang ating pamahalaan po ay patuloy na maghanap ng paraan para lumikha ng trabaho sa loob ng bansa.”

 

Isa pa umanong mahalagang probisyon ng panukala ay ang tungkol sa “reintegration” ng mga OFWs pagbalik nila sa bansa, na isa umanong napakahalagang bahagi ng DMWOF bill, lalo na kung marami nang trabahong naghihintay sa kanila dito.

 

Ngunit habang wala pa sa punto ang bansa na marami nang mapapasukang trabaho dito, magsisilbing one-stop-shop ang DMWOF para sa mga OFWs at mga Pilipinong kailangan ng repatriation o may emergency sa ibang bansa.