Villanueva: TUPAD program, gamitin sa pagbuo ng ‘Delta Force’ ng contact tracers vs Delta variant ng COVID-19
Umapela si Sen. Joel Villanueva sa gobyerno na gamitin ang P19 bilyon na employment assistance fund na nasa ilalim ng pangangalaga ng DOLE para pondohan ang karagdagang tao para sa contract tracing sa paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ani Villanueva, ang “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged o Displaced Workers” o TUPAD program ay maaaring magamit upang bumuo ng mala-Delta Force na pwersa na tutulong sa tracing at pagkalap ng travel history ng mga taong nagpositibo sa virus.
“Yung TUPAD program, pwede pong gamitin sa pagtukoy ng mga nakasalamuha ng mga taong nahawa sa virus, saan sila nanggaling, at saan sila maari pang nakahawa,” anang chair ng Senate labor committee.
“Lalo na ngayong may Delta variant na po sa bansa at kailangan ng mala-Delta Force na soldier-frontliner tulad ng mga contact tracers. Kailangan natin ang lahat ng tulong na makukuha natin para mapigilan ang surge ng virus,” dagdag pa niya.
“Yung TUPAD program, pwede pong gamitin sa pagtukoy ng mga nakasalamuha ng mga taong nahawa sa virus, saan sila nanggaling, at saan sila maari pang nakahawa.”
Sa ilalim ng national budget sa taong ito, may P19 bilyon na nakalaan para sa TUPAD at Government Internship Program, pondong ipinaglaban ni Villanueva na maisama sa 2021 general appropriations bill.
Ang programa ay nagbibigay ng emergency employment sa mga nawalan ng trabaho, yung mga underemployed at yung mga seasonal na manggagawa sa mga komunidad, kung saan pansamantala silang babayaran para sa gawain sa kanilang mga lugar.
“ Inaksyonan po natin itong pondo ng TUPAD, lalo na sa panahon ng pandemya kung saan marami ang nawalan ng trabaho at naghahanap ng pangtustos sa kanilang mga pamilya ,” ani Villanueva.
“Siniguro po nating na maitaas ito mulas sa P6 bilyon noong 2020 sa halos tatlong beses ang taas sa P19 bilyon. I believe this fund can be tapped to hire more contact tracers. Pasok na pasok po yan sa paggamit ng pondong iyan,” dagdag niya.
“Malalabanan na natin ang COVID-19, makakatulong pa po tayo sa mga nangangailangan ng trabaho.”