Villanueva, umaapela sa pagbahagi ng ayuda sa mga lugar sa ilalim ng ECQ
Umapela si Senator Joel Villanueva sa gobyerno na magbahagi ng ayuda sa mga residente ng lugar na sasailalim sa enhanced community quarantine, o tinaguriang “hard lockdown,” maliban sa Metro Manila.
“Nagugutom rin po ang mga kababayan natin doon. Mawawalan po ng hanapbuhay ang karamihan sa kanila. Hindi lang po sa Metro Manila nangyayari ang gutom. Ito po ay nangyayari rin sa ibang lugar,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
“Kapag nilimitahan natin ang tulong sa Metro Manila lang, sinasabi ba natin na hindi kumakalam ang sikmura ng mga taga-Cagayan de Oro at Iloilo? Dapat itong pag-aralan ng DBM. Sana po walang maiwan sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
“Kung parehong ECQ din naman ang pagdadaanan ng ating mga kababayan, dapat parehong ayuda din ang kanilang matatanggap.”
“Nagugutom rin po ang mga kababayan natin doon. Mawawalan po ng hanapbuhay ang karamihan sa kanila. Hindi lang po sa Metro Manila nangyayari ang gutom. Ito po ay nangyayari rin sa ibang lugar."
Sabi pa ni Villanueva, mas mababa pa nga ang populasyon ng ibang lugar kung saan may ECQ kaysa sa mga lungsod sa Metro Manila, at mas madali para sa pamahalaan ang magpadala ng tulong sa mga residente doon.
“Di hamak po na ang Metro Manila ay mas malaki ng dalawampung beses sa Cagayan de Oro at isandaang beses naman sa Gingoog City. Ang NCR po ay tatlumpo’t pitong beses na mas malaki kaysa sa Mandaue,” paliwanag ng senador. “Ang Iloilo City ay ikaanim na bahagdan lamang ang laki kumpara sa populasyon ng Quezon City.”
Sa katunayan, mas maaga ngang nagsimula ang ECQ sa mga lungsod ng Cagayan de Oro, Iloilo at Gingoog kay sa Metro Manila na magsisimula pa lamang sa Agosto 6.
At pareho naman aniyang malaki ang ambag ng Cagayan de Oro at Iloilo sa ekonomiya na halos kapantay na ng mga siyudad sa NCR.
Umaapela si Villanueva sa DBM na hanapan ng ng pagkukunan ng pondo para sa ayuda dahil umaasa ang mga mamamayan sa tulong ng gobyerno bunsod ng lockdown.