Villanueva: Tax freeze sa mga pribadong paaralan, gawing permanente

Ngayong pansamantalang itinigil ang pagpapatupad ng isang regulasyon ng BIR na nagtataas ng buwis sa mga pribadong paaralan sa halip na mapababa ito sa panahon ng pandemya, iginiit naman ni Senator Joel Villanueva ang kahalagahan na gawin itong permanente sa pamamagitan ng pag-amyenda ng batas.

 

Kasabay nito, pinuri din ng senador ang Department of Finance sa pagpapatigil sa maling implementasyon ng BIR ng kapapasa lamang na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE Act) nang taasan nito sa halip na liitan ang buwis ng mga paaralan.

 

“Ito po ang kailangan natin na ‘academic revenue freeze.’ Dagdag na tulong, hindi dagdag na buwis ang kailangan ng mga pribadong paaralan sa panahon ng pandemya. Wala pong revenue loss dito,” ani Villanueva, chair ng Senate higher and technical and vocational education.

 

“Nagpapasalamat po tayo sa Department of Finance sa pagtutuwid ng interpretasyon ng batas na maglalagay sa kapahamakan ng mga paaralan na tulad ng isang na-COVID ay naghihingalo,” dagdag ng mambabatas.

 

“Ito po ang kailangan natin na ‘academic revenue freeze.’ Dagdag na tulong, hindi dagdag na buwis ang kailangan ng mga pribadong paaralan sa panahon ng pandemya. Wala pong revenue loss dito.”

Naglabas ang DOF ng BIR Revenue Regulation No. 14-2021 noong Hulyo 26 na naglalaman ng pansamantalang suspensyon ng bisa ng BIR RR 5-2021 na nagpapataw ng 25% tax rate sa mga eskwelahan na mas malaki pa sa dating 10% na tax rate bago mag-pandemya. Layunin ng CREATE na tumulong sa mga kumpanya tulad ng mga pribadong paaralan, hindi ang maging pabigat pa, ayon sa senador.

 

Ikinalugod ni Villanueva ang suspensyon, at nanawagan sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na suportahan ang Senate Bill No. 2272, ang panukalang maglilinaw ng pagtatakda ng batas upang maging mas klaro ang interpretasyon. Isa si Villanueva sa mga may-akda at sponsor ng panukala kasama si Senator Sonny Angara.

 

“Hindi po nakaukit sa bato ang isang batas. The challenge now is on the House and the Senate to pass the amendatory bill. The revenue regulation is a conditional freeze. It is up to the legislature to make it permanent,” ani Villanueva.

 

Dagdag pa ng senador, ang pagpapatigil ng implementasyon ng naturang regulasyon ay makakatulong pa umano sa gobyerno dahil mababawasan ang gastos sa edukasyon kapag napilitang magsara ang mga pribadong eskwelahan at maglipatan ang mga estudyante sa pampublikong paaralan.