Villanueva, hinikayat ang IATF na magbakuna sa mga bakwit sa evacuation centers

Hinikayat ni Senator Joel Villanueva ang gobyerno na magsagawa ng pagbabakuna sa mga kababayan nating nasa mga evacuation center upang maiwasan ang pagkakaroon ng “COVID-19 super-spreader event” sa mga naturang lugar.

 

“Bigyan na po natin ng bakuna ang mga bakwit para mapabilis pa ng husto ang roll out,” ani Villanueva sa isang pahayag. “Kung mayroon na pong mga health personnel na nag-momonitor ng kanilang kalagayan, bilangin na po natin rin ang mga hindi pa bakunado at dalhan ng bakuna.”

 

Karaniwang “kulob at siksikan” ang mga evacuation centers na maaaring maging sentro ng pagkahawa-hawa sa COVID-19, lalo na sa tila mas nakakahawang Delta variant, paliwanag ng senador.

 

“Kung maaari po nating iwasan ang isa pang kalamidad na pwedeng mangyari sa mga evacuation centers, gawin na po natin. Mahirap pong ma-double whammy ng COVID-19 at ng baha, lindol, o pagputok ng bulkan,” ani Villanueva.

“Bigyan na po natin ng bakuna ang mga bakwit para mapabilis pa ng husto ang roll out. Kung mayroon na pong mga health personnel na nag-momonitor ng kanilang kalagayan, bilangin na po natin rin ang mga hindi pa bakunado at dalhan ng bakuna."

Mungkahi rin ni Villanueva, chair ng Senate labor committee, sa IATF na ilagay sa prayoridad ng mga bakunahan ang mga residenteng nakatira sa tinatawag na “danger areas.” “Alam na po natin kung nasaan itong mga geohazard areas. Ito po ay mga lugar na karaniwang binabaha o apektado sa mga kalamidad.”

 

“Kung mayroon pong preemptive evacuation, dapat mayroon ring preemptive vaccination. Kaya kung lilisan man sila at uuwi na sa kani-kanilang mga tahanan, uuwi po silang bakunado at may karagdagang proteksyon laban sa sakit,” aniya.

 

Noong nakalipas na taon, tinatayang aabot sa 4.56 milyong kababayan natin ang na-displace sanhi ng mga kalamidad, ayon sa 2021 Global Report on Internal Displacement (GRID). Dagdag pa ng ulat, pumapangalawa ang Pilipinas sa China pagdating sa bilang ng mga evacuees.

 

Ayon sa tala ng gobyerno, aabot na sa 14,000 katao mula sa iba't-ibang bahagi ng Luzon ang lumikas sa kani-kanilang mga tahanan matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Bagyong Fabian sa mga nakalipas na araw.