Villanueva, umapela para sa mass transport plan ngayong panahon ng bagyo laban sa Delta variant surge
Mga manggagawang wala pang bakuna na nagsisiksikan sa mga bus at jeepney sa panahon ng ulan at bagyo ang maaaring magdulot ng pagtaas sa bilang ng mga kaso ng Delta variant ng COVID-19.
Ito ang babala ni Sen. Joel Villanueva kasabay ng kanyang panawagan sa gobyerno na magpatupad ng isang mass transport plan na magbigay ng mas maraming alternatibo sa araw-araw na biyahe para sa mga economic frontliners at ibang manggagawa.
Aniya, magkahalong lungkot at pangamba ang mga larawan ng mga manggagawang pauwi at nakapila habang naghihintay ng masasakyang jeep o bus sa malakas buhos ng ulan.
“Marapat lamang na may contingency plan kung ilan ang dagdag na PUVs ang pwede ma-deploy tuwing may mga ‘surge periods,’” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Dagdag pa niya, kung nagagawa ng mga airline company na mag-deploy ng reliever flights kapag maraming pasahero, maaari din itong gawin sa Metro Manila, kung saan mas malubha ang sitwasyon ng trapik kapag umuulan at bumabaha.
Isang pagmumulan ng karagdagang sasakyan tuwing masama ang panahon na magbi-biyahe sa libo-libong manggagawang nagtataguyod ng kanilang mga pamilya ay mga bus, van o trak ng pamahalaan, kasama na rin ang militar.
“Pwede pong pag-augment tulad ng ginagawa noon. Isama po natin ang mga government agencies sa bayanihan sa paghahatid ng mga pasaherong inabot ng hatinggabi na sa daan at wala pa ring masakayan,” sabi ni Villanueva.
“Marapat lamang na may contingency plan kung ilan ang dagdag na PUVs ang pwede ma-deploy tuwing may mga ‘surge periods’.”
“Kung pasahero din po ang COVID-19 sa mga PUV, ang mga ito ay parang biyaheng hospital. Subalit mababawasan po ang risks kung hindi puno at sapat lang ang kapasidad,” dagdag pa niya.
Mahigit 70 porsyento ng mga manggagawa sa NCR ay hindi pwedeng work-from-home, at kinakailangang harapin ang panganib ng sakit araw-araw sa kanilang biyahe patungong trabaho.
“Pinapalala pa ito ng kalagayan ng NCR na may 85 flood-prone na mga lugar sa 579 barangay, na karaniwang binibisita ng ulan o bagyo sa 185 na araw sa isang taon,” paliwanag ni Villanueva.
Kaya naman may reputasyon ang Metro Manila bilang No. 2 sa listahan ng mga siyudad sa buong mundo na may malalang trapik, “at baka po number one pa kung rush hour plus heavy rains,” anang senador.
Para hindi “lumangoy papasok sa trabaho” ang mga manggagawa, hinikayat ni Villanueva ang paglalabas ng pondong hindi nagamit o nagastos para sa PUV service contracting sa ilalim ng 2021 national budget at sa Bayanihan II Law.
Tinatayang 1/3 ng ekonomiya ng buong bansa ay mula sa Metro Manila, habang ang Region III at Region IV-A naman ay kumakatawan sa 1/4 ng GDP ng bansa.
Sa pagtutulak ng mas maraming “jeeps at jabs” para sa mga manggagawa, sinabi ni Villanueva na sa kasalukuyan, may 1,943,673 sa A4 vaccination group ang may first dose, samantalang 449,252 naman ang may second dose na.
“Malaki pa po ang hahabulin but ang good news, dahil na rin sa pagsisikap ng gobyerno, ay naabot natin ang 473,000 na bakunang nabigay sa loob ng isang araw noong Hulyo 22,” dagdag pa niya.