Villanueva: Palakasin, paramihin pa ang health frontliners sa bansa laban sa Delta variant
Sa unti-unting pagdami ng kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa, nanawagan si Sen. Joel Villanueva sa gobyerno na palakasin ang recruitment ng health workers na maaari simulan sa 5,008 na bagong nurse sa nakalipas na board exams.
“Kailangan na po ng reinforcements ang ating mga frontliners. Labing anim na buwan na nating nilalabanan ang pandemya, at ang kalaban natin dito ay hindi nakikitang virus na nag-mutate pa at naging mas mapanganib,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
“Wala po tayong timeout sa pandemyang ito, kaya dapat tuloy-tuloy tayo maging alerto at alisto para hindi tayo matulad sa mga bansang tinamaan ng Delta variant tulad ng India at Indonesia.”
Aniya, ang 5,008 na pumasang mga nurse sa licensure examination na naganap kamakailan lamang ay makakatulong sa kakulangan ng medical personnel sa mga pampublikong ospital at ibang health facilities.
Isa ring pagkukunan ng gobyerno ay ang 1,234 na bagong doktor na pumasa sa board exams nitong Mayo.
Giit pa ni Villanueva, dapat pondohan ng gobyerno sa pamamagitan ng DOH kung magkakaroon ng malawakang recruitment ng health personnel, para na rin magkaroon ng kumpiyansa ang mga ito.
“Kailangan na po ng reinforcements ang ating mga frontliners. Labing anim na buwan na nating nilalabanan ang pandemya, at ang kalaban natin dito ay hindi nakikitang virus na nag-mutate pa at naging mas mapanganib.”
“Siguruhin po natin na kung sino man ang nagnanais magsilbi sa gobyerno bilang public health frontliners, ibigay po natin sa kanila ang nararapat sa kanilang mga sakripisyo,” anang senador.
Dagdag pa ni Villanueva, ang paglalagay ng tauhan sa mga pasilidad pangkalusugan ng gobyerno ay dapat nasa alert level ng digmaan.
“Kailangan na po mag level up,” aniya. Kahit may kagamitan at sapat na kwarto ang mga pasilidad ng gobyerno, kailangan pa din ng tatao sa mga ito, ayon sa senador. “Kahit naman bakuna, kailangan mo ng tao para i-inject yon.”
Noong Disyembre 2020, mayroong naitalang 30,396 na nurse sa mga pampublikong ospital at 24,969 sa mga primary health care facilities tulad ng Rural Health Units sa mga barrio.
“Ito ay katumbas ng 5 nurse sa bawat 10,000 Pilipino,” ani Villanueva.
May pondo ang DOH para sa sweldo na nagkakahalaga ng P61.14 bilyon ngayong taon, hindi kasama ang pagbabayad sa ospital at health centers ng mga LGU.
Itong taon rin, may pondo ang DOH na P16.7 bilyon para sa health personnel deployment program nito, kung saan nagtatalaga ito ng mga doktor, nars, kumadrona at iba pa sa mga “underserved localities.”