Villanueva: Food delivery riders na kakarampot ang kita, kailangan ng proteksyon sa ilalim ng batas

Inilarawan ni Senator Joel Villanueva bilang “essential frontliners” ang mga food couriers na malaki ang naitulong sa paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan, at isang malaking kabalintunaan kung sila ay “hahayaang mamuhay sa kakarampot na kita” kapalit ng kanilang sakripisyo.

 

Nanawagan si Villanueva sa Department of Labor and Employment (DOLE) na maglabas ng mga panuntunan para siguruhin ang proteksyon at tamang kita ng mga food riders at iba pang freelance workers habang binabalangkas ang mga panukala para sa kapakanan nila.

 

“Ang sitwasyon ng mga negosyo sa panahon ng pandemya ay nagresulta sa mas maraming mga freelancers tulad po ng ating mga riders. Dapat pong hagip ng ating mga batas ang mga makabagong work arrangements. Kaya po ang aksyon natin sa Senado ay isulong ang freelance workers protection bill at ang digital workforce competitiveness bill,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.

 

“Maaari pong atasan ng Pangulo ang DOLE na maglabas ng mga patakaran na gumagarantiya sa karapatan at kapakanan ng mga food delivery riders at mga manggagawang nasa gig economy,” dagdag pa niya. “Habang binabalangkas ang batas, isang department order mula sa DOLE o isang Executive Order mula sa Pangulo ay makapagbibigay ng dagliang ginhawa sa ating mga manggagawa.”

"Dapat pong hagip ng ating mga batas ang mga makabagong work arrangements. Kaya po ang aksyon natin sa Senado ay isulong ang freelance workers protection bill at ang digital workforce competitiveness bill.”

Nasa plenaryo ng Senado ang Freelance Workers Protection bill, o Senate Bill No. 1810, na naglalayong balangkasin ang uri ng mga manggagawang kikilalanin sa ilalim ng isang freelance arrangement, kabilang rito ang food couriers at delivery riders.

 

“Ang nais po nating po mangyari, may inputs po ang executive branch dito dahil mahirap naman na ipapasa ng Senate at ng House pagkatapos may bubulong sa Presidente na i-veto yan tulad nang nangyari sa Anti-Endo Bill,” sabi ni Villanueva.

 

Anang senador, ang mga serbisyo ng riders sa mga app-based platforms na binabayaran kada transaksyon ay magiging bahagi na ng “new normal” at mananatili sa ating ekonomiya kahit tapos na ang pandemya.

 

“Ang problema po ngayon ay may vacuum kung ano ang kanilang mga karapatan na dapat i-garantiya ng pamahalaan bilang mga manggagawa na may proteksyon sa ilalim ng batas,” aniya. “Sa ngayon po, hindi kinikilala sa mata ng ating mga batas ang mga freelance workers. Kaya po ang pagsusulong sa freelancers protection bill ang ating aksyon at solusyon sa isyung ito.”