Villanueva: Aksyon sa pagtataguyod ng karapatan ng freelance workers, solusyon sa gipit na foodpanda riders
Tila isang “nagbabadyang labor dispute” ang sitwasyon ng mga rider ng food delivery service app, na kayang wakasan kapag kinikilala na sa mata ng batas ang mga karapatan ng freelance workers, ayon kay Senator Joel Villanueva.
Hinimok ni Villanueva, chair ng Senate labor committee, ang kanyang mga kasamahan sa Senado na suportahan ang Freelance Workers Protection Act, na hinain ng mambabatas sa plenaryo noong Setyembre ng nakalipas na taon. Maraming mga nawalan ng trabaho ang sumabak sa freelancing sa kasagsagan ng pandemya upang kumita at bumuhay ng kanilang pamilya, aniya.
“Ito pong problema ng mga rider ng food delivery service apps ay isang patunay sa matinding pangangailangan natin para sa itaguyod ang Freelancers Protection bill. Abonado na po sila madalas, at minsan nabibiktima pa ng mga fake booking. Kaunting minutong aberya lang sa daan, katakut-takot na insulto at pambabastos ang tinatanggap nila mula sa mga nag-order. Kailangan pong may malinaw na proteksyon ang ating mga freelance workers,” ayon kay Villanueva. “Hindi po kinikilala ng Labor Code sa kasalukuyan ang mga freelance workers.”
“Dapat po responsive ang ating mga batas sa mga pagbabago sa mga industriya at trabaho. Kung mayroong 1.5 milyon na freelancers na may kanya-kanyang mga pamilya, ibig sabihin may higit sa 6 milyong mga kababayan natin ang apektado sa aksyon o hindi pag-aksyon sa usapin na ito. Hinihikayat natin ang mga kasamahan na ipasa ang panukalang ito,” dagdag pa ni Villanueva.
"Kaunting minutong aberya lang sa daan, katakut-takot na insulto at pambabastos ang tinatanggap nila mula sa mga nag-order. Kailangan pong may malinaw na proteksyon ang ating mga freelance workers.”
“Tuloy-tuloy po tayo sa pag-aksyon upang isulong ang Freelance Workers Protection bill dahil ginagawa nitong patas ang estado ng mga manggagawa at mga employer. Kikilalanin sa mata ng batas ang mga karapatan ng manggagawa, at kasabay nito ang pagpapahintulot sa mga employer na kumuha muna ng freelancer habang bumabangon sa epekto ng pandemya,” aniya.
Ayon kay Villanueva, idudulog niya muli ang isyu sa tanggapan ng Department of Labor and Employment, na unang nangakong iimbestigahan ang usapin noong nakalipas na taon sa budget deliberations nito. Nagsagawa rin ng kilos protesta ang mga foodpanda riders noong panahon na iyon sa DOLE sa katulad na usapin.
Noong Setyembre, inihain ni Villanueva sa plenaryo ang Freelance Workers Protection bill o Senate Bill No. 1810 na kumikilala sa mga freelance workers at nagtataguyod ng mga karapatan nila sa ilalim ng freelance arrangement. Sa Global Freelance Insights report ng Paypal, na nilabas noong 2018, tinatayang may 1.5 milyong freelance workers sa Pilipinas.
Ayon sa panukala, inoobliga nito ang hiring party at ang freelance worker na magkaroon ng written contract o kahalintulad na dokumento, electronic file o printed copy, kung saan nakasaad ang kasunduan ng parehong partido sa mga nakalatag na terms and conditions, kasama ang malinaw na engagement at ang kabayaran para sa serbisyong ibinibigay ng freelance worker.
Itinataguyod rin ng panukala ang mga karapatan ng mga freelance worker, kabilang na rin ang karapatan nilang idulog ang mga hinaing sa tamang venue, ayon kay Villanueva. Kasama na rin sa batas ang pagsasagawa ng DOLE ng mga seminar tungkol sa legal recourse na available sa mga freelance workers sakaling may mga dispute.