Villanueva, sumama sa panawagang imbestigahan ang diumano’y paggamit sa pondo ng taumbayan para sa troll farms

Nanawagan si Senator Joel Villanueva na imbestigahan ng Senado ang diumano’y paggamit ng pondo ng gobyerno para sa mga “troll” farms na itinatag para magkalat ng maling impormasyon para sa nalalapit na halalan sa susunod na taon.

 

“Makukunsidera po nating weapons of mass distraction ang mga organized trolls. Nagtatanim sila ng binhi ng kasinungalingan na nahihinog at inaani ng mga kababayan nating nalinlang sa akala nila ay katotohanan,” ayon kay Villanueva, chair ng Senate labor committee.

 

Inihain ni Villanueva kasama ang 11 pang senador sa pamumuno ni Senate President Vicente Sotto III at Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang Senate Resolution No. 768 na humihiling sa kapulungan na imbestigahan ang mga ulat na public funds ang gamit umano sa pagpopondo sa mga troll farms na nagpapakalat ng fake news.

 

Giit ni Villanueva, ang pagpapalaganap ng fake news ay mayroong malubhang kahihinatnan

 

“Kapag naghahasik po ang mga trolls ng maling impormasyon sa bakunahan, nakamamatay ang mga bunga nito,” aniya.

“Makukunsidera po nating weapons of mass distraction ang mga organized trolls. Nagtatanim sila ng binhi ng kasinungalingan na nahihinog at inaani ng mga kababayan nating nalinlang sa akala nila ay katotohanan."

Umapela si Villanueva na kondenahin ang mga troll farms at magtulong-tulong upang buwagin ang mga ito.

 

Umaapela tayo sa lahat ng mga political organizations sa troll disarmament.

 

“Mapapayabong lang po natin ang ating demokrasya sa malaya at tapat na pagpapalitan ng mga ideya, na kahit magkakasalungat, naka-angkla naman sa katotohanan,” ayon kay Villanueva.

 

Inilalarawan sa resolution ang isang social media troll bilang isang taong naghahasik ng hindi pagkakaunawaan sa mga plataporma tulad ng Twitter, Facebook, at Reddit sa pamamagitan ng pag-post ng mga mensaheng kontrobersyal na naghihikayat sa ibang tao na magbigay ng emosyonal na tugon.

 

Layunin ng resolusyon na alamin kung totoo nga ba ang mga balitang ginagamit ang pondo ng taumbayan para sa mga operator ng troll farm, imbis na gastusan na lamang ang mga programa para sa COVID-19 assistance, healthcare, food security, jobs protection, education, at iba pa.