Villanueva: Pinoy professionals, mahihirapan makakuha ng trabaho sa lokal at internasyonal na job markets kung bubuwagin ang board exams
Nanindigan si Senator Joel Villanueva sa pagpapanatili ng professional licensure system ng bansa kahit na nahihirapan ang Professional Regulation Commission (PRC) na isagawa ang mga board exams noong nakalipas na bunsod sa pandemya dahil ang mga pagsusulit na ito ang nagpapalakas ng kredibilidad ng mga Filipino professionals dito at sa buong mundo.
“Kahit marami na po ang dismayado sa kabiguan ng PRC sa pagpapatupad ng nakatakdang board exams noong nakaraang taon pa, kailangan pong manatili ng ating professional certification exams,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee. “Hindi po makakapagpractice ang ating mga professionals dahil hindi sila board certified.”
“Ito po ang huling layer ng ‘quality control’ bago natin payagan ang ating mga graduates na magsanay bago sumabak sa trabaho, na kadalasan ay nakadepende ang mga buhay ng tao – tulad ng mga doktor – o ang tibay ng mga gusali sa kaso ng inhinyero. Kung ang tech-voc graduates, tulad ng mekaniko, ay kailangan ng TESDA certification, mas lalo na po siguro kung doktor na nag-oopera ng puso.”
Naghain si Villanueva ng Senate Resolution No. 661 upang tulungan ang PRC na magbalangkas ng alternatibong paraan para idaos ang mga board exam sa panahon ng pandemya, at hindi upang buwagin ang komisyon. Dagdag pa ng mambabatas, sa ilalim ng PRC Modernization law of 2000, dapat computerized na ang mga pagsusulit na ito mula pa noong 2003.
“Makakatulong din po ang computerization para gawing disaster-proof ang ating licensure system, dahil kadalasan ang mga bagyo at baha ang karaniwang sanhi ng pagpapaliban ng mga ito,” aniya.
At dahil sa pagkabigo ng PRC na magsagawa ng computerized board exams, marami sa mga graduates ng Class of 2020 ang nakatengga ngayon sa panahon ng pandemya at hindi makapag-eksamin.
“Ito po ang huling layer ng ‘quality control’ bago natin payagan ang ating mga graduates na magsanay bago sumabak sa trabaho, na kadalasan ay nakadepende ang mga buhay ng tao – tulad ng mga doktor – o ang tibay ng mga gusali sa kaso ng inhinyero."
“Sa tingin po natin, may nakikita pa tayong mga room for improvement sa PRC. At para masolusyunan ang mga problema, kailangan nating talakayin ang iba’t ibang mga mungkahi. Kung kailangang amyendahan ang batas, handa po tayong aksyonan ang mga ito,” sabi ni Villanueva.
Ang pahayag ng senador ay reaksyon sa sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nauna nang nanawagan na tanggalin na ang mga licensure exams para sa mga professionals tulad ng mga nars. Nilinaw ni Bello na panukala lamang ang kanyang nabanggit.
“Nauunawaan po natin si Secretary Bello na kailangan ng agarang reporma para gawing mas madali ang pagkuha ng mga licensure exams para sa mga graduates. Ngunit hindi po natin kailangan buwagin ito dahil tungkulin po ng ating gobyerno na kilatisin ng husto ang mga propesyonal bago sila payagan pag-practice,” ani Villanueva.
“Baka makasama din ito sa ating mga OFWs, dahil marami sa kanila ay nakakuha ng trabaho sa ibang bansa dahil may reputasyon sila na magaling dahil may wastong sertipikasyon,” pangamba ng mambabatas.
Ang mga licensure examination ay isang bahagi ng makinaryang nakapaloob sa Philippine Qualifications Framework, paliwanag ni Villanueva, na pangunahing may-akda ng PQF law o Republic Act No. 10968. Itinatakda ng framework ang iba’t ibang mga criteria na sumusukat sa quality assurance principles at mga standards ng mga Filipino professionals, technicians, at craftsman.
“Ito po ang assessment system na nagbibigay ng kabuuang estado ng competencies ng ating mga professionals, na siyang kikilalanin rin ng iba’t ibang mga bansa kapag sila ay nagpasyang mag-practice abroad,” ani Villanueva.