Villanueva: Maayos na kooperasyon sa mga ahensya ng gobyerno, susi sa pagreporma sa sistema ng edukasyon
Hinimok ni Senator Joel Villanueva na magkaroon ng mas masinop na kooperasyon sa mga ahensya ng edukasyon upang magkaroon ng mas malakas at iisang pagresolba sa krisis ng edukasyon na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Ani Villanueva, kailangan ng isang malinaw na estratehiya kung paano tutugunan ng Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority, at Commission on Higher Education ang mga problema dulot ng pandemya na nakaapekto pa sa pagbaba ng kalidad ng mga graduate sa lahat ng antas.
Kailangan magtulungan ng DepEd, TESDA, at CHED katulad ng “tatlong campus ng isang paaralan, at hindi tatlong magkakahiwalay na eskwelahan na independent sa isa’t isa.”
Hindi ninais ng mga policymakers ang pagtatatag ng mga naturang ahensya bilang “tatlong magkakahiwalay na republika.”
“Habang pinapalawig natin ang kakayahan ng bawat ahensya, dapat po nating siguruhin na ang kooperasyon ng mga ahensya ang mangingibabaw.”
Ayon kay Villanueva, ang pagkakatatag ng tatlong ahensya para sa sektor ng edukasyon o “trifocalized setup” ay “nangangahulugan na kailangan nasa isang pahina ang sistema ng edukasyon sa bansa upang hindi magkawatak-watak ang polisya na ipinatutupad nito.”
Nanawagan si Villanueva, chairman ng Senate higher education committee, na nagsagawa ng pagdinig noong Lunes sa Senate Bill No. 1744 na layuning mag-amyenda sa charter ng CHED. Aniya, nadagdagan na ang mga mandato ng CHED sa nakalipas na taon at napapanahon na ang pagrepaso nito upang gawing mas angkop sa panahon.
Pagdiin ng mambabatas, kailangan kasabay ng pag-amyenda sa CHED charter ang pagsasagawa ng karagdagang reporma sa kabuuang sistema ng edukasyon, na layunin ng isinusulong niyang pagbuo ng isang congressional oversight committee na tatalakay sa naturang isyu.
“Habang pinapalawig natin ang kakayahan ng bawat ahensya, dapat po nating siguruhin na ang kooperasyon ng mga ahensya ang mangingibabaw,” ani Villanueva.