Villanueva: Pag-aalboroto ng Taal, makakaapekto sa flights, pagdating ng bakuna, ekonomiya

Ibayong paghahanda ang inaasahan sa gobyerno sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal na makakaapekto ito sa samu’t saring bagay, mula sa pagsasara ng paliparan sa NAIA na makakaabala sa pagdating ng bakuna, sa pagsasara ng mga pabrika sa karatig lugar, ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

Iminungkahi ni Villanueva na gamitin ang P6.37 bilyon na Quick Reaction Fund sa ilalim ng Calamity Fund ngayong 2021 kung sakaling matuloy ang pagsabog ng aktibong bulkan. Ang naturang pondo ay nahahati sa walong ahensya: DPWH, DepED, DOH, DILG, DA at DND.

 

“Worst-case scenario po ang pagplanuhan natin, at maging pro-active tayo sa pagtugon sa pangangailangan ng ating mamamayan. Paghandaan na po natin ang mga kakailanganin ng ating mga kababayan sa Batangas at Southern Tagalog region, lalo na po sa mga residenteng nasa paligid ng danger zones,” ani Villanueva, chair of the Senate labor committee.

 

“Ihanda na po natin ang ayuda para sa mga posibleng madi-displace mula sa kanilang mga tahanan.”

 

Dagdag pa ng senador, ang pagsabog ng Taal noong Enero 12 noong nakaraang taon ay nakapagdala ng sobrang pinsala na lagpas sa kanyang “danger zone.” Ang ashfall nito ay nagdulot ng kanselasyon sa 643 flights sa paliparan ng NAIA at Clark sa Pampanga, at nakaapekto sa mahigit 100,000 pasahero.

“Worst-case scenario po ang pagplanuhan natin, at maging pro-active tayo sa pagtugon sa pangangailangan ng ating mamamayan. Paghandaan na po natin ang mga kakailanganin ng ating mga kababayan sa Batangas at Southern Tagalog region, lalo na po sa mga residenteng nasa paligid ng danger zones.”

Mayroon din itong epekto sa ekonomiya dahil maaaring tumigil ang operasyon ng mga pabrika sa mga karatig lugar, sa panahong bumabawi na ang ekonomiya ng bansa mula sa bangungot ng pandemya.

 

Nasa loob aniya ng 50-kilometrong radius ng Taal ang pinakamalaking bilang ng mga pabrika: ang economic zones sa mga lalawigan ng Batangas, Laguna, at Cavite.

 

Apektado rin ang turismo, dahil ang Tagaytay at ibang lugar sa Cavite at Batangas ang dinadayo ng mga lokal na turista para magbakasyon.

 

“Yung ashfall ng Taal nakakapuwing talaga yan: sa ekonomiya, sa transportasyon, at sa negosyo ng mga lugar na medyo may kalayuan na,” ani Villanueva.

 

“Pero ang unahin natin ay ang mga residenteng taga-Batangas at Cavite na lubhang napakalapit sa Taal, lalo na yung mga nakatira sa danger zone.”

 

Noong nakaraang taon, mahigit 550,000 katao ang inilikas dahil sa pagsabog ng Taal. Double whammy sa dobol V – virus at volcano – ang mararanasan ngayon ng mga tao pag sumabog muli ang taal, dagdag ni Villanueva.