Villanueva, hinimok ang gobyerno na magtulungan para mapatupad ang employment recovery plan

Mainit na sinalubong ni Senator Joel Villanueva ang pagpapatupad ng National Employment Recovery Strategy (NERS) na layuning makagawa ng karagdagang trabaho sa bansa, ngunit kailangan itong tutukan upang siguruhing matutupad ito.

 

“Maganda po ang layunin ng NERS, na nakikita natin bilang isang panimulang aksyon tungo sa paglilikha ng trabaho at kabuhayan para sa ating mga manggagawa. Nagpapasalamat po tayo at kabilang ang ating mga mungkahi sa pagbabalangkas ng NERS,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee, sa isang pahayag.

 

Sa bahagi naman ng Senado, sinabi ng senador na nakahanda ang kanyang komite na gamitin ang kapangyarihan nito sa ilalim ng Konstitusyon na siguruhin na anuman ang ipinangako sa planong ito ay maibibigay o matutupad.

 

“Sisiguruhin po natin na maabot ang mga target ng NERS, at handa po ang Senado para magbigay ng tulong kung kinakailangan. Trabaho at kabuhayan po ng ating mga kababayan ang nakasalalay dito,” sabi ni Villanueva.

 

Broad strokes umano ang nakapaloob sa apat na pahinang Executive Order No. 140 tungkol sa paglikha ng trabaho, ngunit ang detalye sa pagpapatupad ay babalangkasin ng isang NERS task force na binubuo ng 19 na katao, kasama ang kalihim ng DOLE.

 

“Inaasahan po natin na ang jobs program ay mayroong malinaw at specific na targets, na siyang hihimayin ng ating NERS task force,” ani Villanueva.

“Maganda po ang layunin ng NERS, na nakikita natin bilang isang panimulang aksyon tungo sa paglilikha ng trabaho at kabuhayan para sa ating mga manggagawa."

Hinimok din niya ang NERS task force na lumikha ng “national trabaho map” kung saan magbubukas ng trabaho at kanino mag-aapply.

 

“Kailangan din po natin ng scoreboard tulad nung sa bakuna program natin para malaman natin kung natatamaan natin ang ating mga target sa ating job generation,” sabi ni Villanueva.

 

Unang trabaho din ng NERS task force ang siguruhin na ang pagbabakuna ng economic frontliners o yung mga kasama sa A4 priority group, ay tuloy-tuloy ang pagtanggap ng bakuna.

 

Hanggang nitong Hunyo 27, sa 10,065,414 bakunang naibigay, mahigit 12,340 lamang ang sa A4 hanggang sa pangalawang dose.

 

Hiniling din ni Villanueva sa NERS task force na sana ay trabahong regular ang mahanap nila at hindi pansamantala o “endo” na panandalian lamang.

 

Sa Labor Force Survey nitong Abril, sumipa na sa 8.73% ang unemployment rate, habang ang underemployment rate naman ay umabot na sa 17.22%.