Villanueva: Pagbabakuna sa mga seafarers, daan tungo sa panunumbalik ng sigla ng PH seafaring industry
Iginiit ni Senator Joel Villanueva ang kahalagahan ng pagbabakuna sa mga Pilipinong seafarers, dahil dito nakasalalay ang kanilang pagbabalik sa barko at ipagpatuloy ang kanilang trabahong naantala dahil sa COVID-19 pandemic.
Kasama ni Villanueva sa vaccination kickoff ang mga opisyal ng gobyerno tulad nina Labor Secretary Silvestre Bello III, Trade Secretary Ramon Lopez, NTF deputy chief implementer Vince Dizon, Manila Mayor Isko Moreno, at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, kung saan higit sa 1,000 seafarers na nakatakdang i-deploy sa mga susunod na buwan ay nakatanggap ng Pfizer jabs mula sa pamahalaan.
“Kapag nawala ang mga Pilipino sa seafaring industry, tiyak pong pilay ang buong industriya dahil 1 sa bawat 3 seafarer sa buong mundo ay Pilipino,” ani Villanueva sa kickoff ceremony noong Huwebes ng umaga. “Nagagalak po tayo na may bakuna na ang ating mga OFWs at seafarers. Kapag natapos na po ang inyong pagbabakuna, siguradong barko na ang susunod.”
Higit sa 1,000 seafarers ang nagpunta sa Palacio de Maynila events grounds upang pumila sa vaccination program na isinagawa ng Inter Agency Task Force at ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila. Inaasahang 1,000 seafarer pa ang mababakunahan ngayong Biyernes.
Ayon kay Villanueva, chairman ng Senate labor committee, mahalaga ang pagbabakuna sa mga manggagawa na kalaunan ay inilagay ng gobyerno sa ilalim ng A4 priority sa vaccination program ng bansa. Ang seafaring industry ng bansa ang isa sa mga matinding tinamaan ng pandemya.
“Kapag nawala ang mga Pilipino sa seafaring industry, tiyak pong pilay ang buong industriya dahil 1 sa bawat 3 seafarer sa buong mundo ay Pilipino."
Patuloy na isinusulong ni Villanueva ang pagsama ng essential workers at economic frontliners sa vaccination priority list ng gobyerno. Mula sa inisyal na 24.6 million na target, itinaas ng gobyerno ito sa 35 million upang makasama ang mga economic frontliners at essential workers tulad ng tindera sa palengke at supermarket, security personnel, PUV drivers, sanitation workers, public utility employees, at iba pa.
Samantala, inilagay naman ng gobyerno ang mga OFW, kabilang ang mga seafarers sa A1 priority.
Nagbigay rin ng ulat si Villanueva sa panukalang Magna Carta of Seafarers na kasalukuyang binabalangkas ang detalye sa technical working group na isinagawa noong Huwebes. Target ni Villanueva na maihain ito sa plenaryo pagbalik-sesyon ng Senado sa Hulyo.
Nais ng panukala na magtatag ng Magna Carta of Filipino Seafarers na nagtatakda ng karapatan ng mga seafarers tulad ng right to self-organization, karapatang magkaroon ng access sa training at edukasyon, karapatang makakuha ng certificate of employment, at iba pa.
Layunin rin ng panukala na magbalangkas ng Maritime Occupational Safety and Health Standards at gumawa ng registry ng mga seafarers.