Malinaw na panuntunan sa ‘proof of vaccination’ para sa mga Pinoy at OFW, hiniling ni Villanueva

Hiniling ni Senator Joel Villanueva na linawin ng gobyerno ang tila nakakalitong panuntunan nito pagdating sa “proof of vaccination” na hihingin sa mga Pilipinong nabakunahan na, lalo na sa mga OFWs.

 

Ayon sa senador, na chairman ng Senate labor committee, nakatakda sa isang panuntunan ng IATF na maliban vaccination card, kailangan rin ipakita bilang patunay na fully vaccinated ang isang tao gamit ang sertipikasyon mula sa Department of Information and Communications Technology o mula sa Local Health Officer.

 

“Hindi po ba ito dagdag na red tape?” tanong ni Villanueva sa pagsisimula ng pagdinig ng Senate committee of the whole sa programa ng gobyerno kontra COVID-19.

 

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque sa pagdinig na hindi siya sigurado kung ipapatupad na ang naturang panuntunan sa ngayon, at hiniling ni Villanueva sa kalihim at sa ibang pang mga opisyal na magsiyasat tungkol dito.

 

“Nakakalito lang po ito sa mga tao. May vaccine card ka na po, kailangan pa ba ng hiwalay na sertipikasyon?” ani Villanueva.

“Hindi po ba ito dagdag na red tape?”

Ayon sa panuntunan, lahat ng nabakunahan na kontra COVID-19 ay kailangang kumuha ng sertipikasyon mula sa local health officers o sa DICT bilang patunay na sila ay nakatanggap na ng bakuna.

 

“Trained po ba o may kakayahan ang mga ito na mag-certify tungkol sa pagbabakuna?” sabi ni Villanueva. “Sana po ay seryosong pag-aralan ito ng IATF.”

 

Ayon sa Paragraph B ng IATF Resolution No. 120, series of 2021, maliban sa vaccination card, ang isang taong “fully vaccinated” na ay kailangan ring kumuha ng sertipikasyon mula sa DICT o Local Health Officer ng LGU.

 

Sabi ni Villanueva, ang nakatakdang ipatupad ang panuntunan sa Hunyo 16 ay magiging mabigat para sa mga mamamayang nais umalis ng bansa dahil magkukulang ang dala nilang pruweba ng pagbabakuna.

 

Hindi rin malinaw kung ang mga pabalik ng OFWs sa bansa na nabakunahan sa ibang bansa ay nakapaloob sa panuntunang ito, dagdag pa ng senador. Dapat umano itong linawin ng pamahalaan, lalo pa’t maraming kumakalat na “fake news” tungkol dito.