Transparency sa pag-angkat ng bakuna, hiniling ni Villanueva

Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa gobyerno na mas maging bukas ito sa publiko tungkol mga detalye sa pag-angkat at pagbili ng bakuna, lalo na sa presyo nito kada turok at kung magkano ang magagastos sa pag-angkat ng minimum na 140 milyong bakuna.

 

Kung ang pag-angkat ng bakuna ay nangangailangan ng paunang bayad, iminungkahi ni Villanueva na magkaroon ng “multi-year budgeting approach” ang pamahalaan at hindi umasa sa “annualized financing,” ani Villanueva, na nakatakdang dumalo sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa vaccination program ng gobyerno sa Martes.

 

“Kung aabutin po ng ilang taon ang pagbabakuna, mas mainam na gawin na rin nating multi-year ang appropriation, or at the very least, ang projection,” sabi ni Villanueva, na nanawagan din noong nakaraang linggo na buuin na ang oversight committee ng COVID-19 Vaccination Program sa ilalim ng Republic Act No. 11525.

 

“Ang mahalaga ay makita na natin ang ‘big picture’ pagdating sa ating amortization schedule, o pagbabayad sa bakuna. Hindi po pwede yung pa-tingi-tingi. Hindi rin po nakaasa sa kalendaryo na sa isang fiscal year ito lang ang pondo,” aniya.

 

Ngunit ayon sa senador, mahalagang malaman ang “price per dose” bilang isa sa mga baseline data sa kalkulasyon ng pagbabayad sa bakuna.

 

“Magkano po ba ang Moderna? Magkano ang Sinovac, ang Sputnik? Ang Pfizer? At i-multiply natin kung ilan ang kailang dose, kasama ang gastos sa pagbabakuna. Kailangang makuha natin ang mga datos na ito para malaman kung magkano ang ilalaan natin para dito. Hindi po akma ang ‘PM is the key’ pagdating sa usaping ito,” sabi ni Villanueva.

 

Kailangang umanong ibigay ng pamahalaan ang mga datos na ito sa Kongreso kung nais nitong kumilos ang lehislatura sa hiling ng karagdagang P25 bilyon sa P82.5 bilyon na badyet para sa pagbabakuna.

“Dapat may ulat muna bago aprubahan ang bagong hiling. Nais po nating malaman kung naubos na po ba yung P10 billion para sa bakuna sa ilalim ng Bayanihan 2, at kung nagamit na po ba ang ating inutang na P58.4 billion mula sa mga multilateral lenders para sa pagbili ng bakuna."

“Dapat may ulat muna bago aprubahan ang bagong hiling. Nais po nating malaman kung naubos na po ba yung P10 billion para sa bakuna sa ilalim ng Bayanihan 2, at kung nagamit na po ba ang ating inutang na P58.4 billion mula sa mga multilateral lenders para sa pagbili ng bakuna."

 

Ngunit para kay Villanueva, ang pinaka-importanteng tanong na dapat masagot ay kung gaano kabilis ba na malulunasan ng karagdagang pondong ito ang kakulangan sa pagbabakuna.

 

Aniya, malaki ng ang diperensya sa bilang ng bakunang tinatayang dumating kaysa sa aktuwal na dumating, isang halimbawa nito ay ang dapat na 7.8 milyong dose na dapat dumating ngayong buwan ay bumaba na sa 3.4 milyong dose.

 

“Nais rin po nating tiyakin kung darating ang inaasahang 13.5 million doses ngayong Hulyo, maging ang 15-20 million doses sa Agosto at Setyembre,” sabi ni Villanueva.

 

Dagdag pa niya, kung hindi tataas ang arawang bilang ng nabakunahan na nasa 112,621 sa ngayon, aabutin ng tatlong taon at dalawang buwan bago mabakunahan ang 70 milyong target ng bansa para magkaroon ng “herd immunity.”

 

“Kung 100 milyon naman po ang target, karagdagang 1 and a half years o end of 2025 pa bago natin mabakunahan lahat,” ani Villanueva.

 

"Kung downsized na po ang target to 58 million Filipinos, more or less dapat makakuha po tayo ng 116 million doses bago matapos ang taon," sabi pa ng senador, kung ito ayon sa “population protection” strategy ng gobyerno.