Villanueva: Bilyong piso ang matitipid kung ipapatupad ang Cebu ‘swab-upon-arrival’ policy sa buong bansa
Sinuportahan ni Senator Joel Villanueva ang “swab-upon-arrival” na polisiya ng Cebu sa mga dumadating sa international airports nito dahil hindi lamang “sensible” at “science-based” ang patakarang ito, kundi matipid na rin at epektibo sa pag-screen ng mga pasahero sa COVID-19.
“Isa po itong uri ng ‘health checkpoint’ kung saan hindi na pagdadaanan ng ating mga OFWs ang matagal na quarantine kung negatibo sa swab test. Makakatipid po sila ng oras at pera na mas mainam na gamitin nila sa kanilang mga pamilya,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Dagdag pa ni Villanueva na makakatipid rin ang gobyerno sa panuntunang ito. “Magiging mas maikli po ang pananatili ng OFW sa isang hotel, at mas liliit ang gastos para sa gobyerno,” aniya.
Sagot umano ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang itinakdang 10 araw na quarantine sa hotel ng mga OFWs. Sa isang araw, may 10,000 OFWs ang nasa 114 na mga hotel. Nagbabala ang OWWA nitong Marso na mauubos na nito ang pondong na P6.2 bilyon ngayong taon nang limang buwan lamang sa gastos nito para sa mga OFWs.
“Kung ipatutupad natin ang diskarte ng Cebu sa pag-quarantine sa mga dumarating na pasahero sa buong bansa, bilyung-bilyong piso ang matitipid ng gobyerno. Isipin na lang po natin kung gaano karaming pamilya ang makatatanggap ng ayuda mula sa matitipid na pondo.”
“Kung ipatutupad natin ang diskarte ng Cebu sa pag-quarantine sa mga dumarating na pasahero sa buong bansa, bilyung-bilyong piso ang matitipid ng gobyerno. Isipin na lang po natin kung gaano karaming pamilya ang makatatanggap ng ayuda mula sa matitipid na pondo,” sabi Villanueva.
“Malaki na tipid ng gobyerno, mas maraming oras pang makakapiling ng mga OFWs ang kanilang pamilya, kumpara kung sila ay nasa quarantine ng dalawang linggo. Malaking bagay po ito sa mga bakasyonistang OFW na limitado lang ang oras.”
“Kung emergency ang dahilan ng pag-uwi, o kaya bilang ang araw ng bakasyon, kawawa naman po sila kung sa kakarampot na araw ay uubusin sa apat na sulok ng maliit na kwarto.”
Ang swab-upon-arrival policy ay ipinatutupad sa Cebu sa bisa ng isang executive order ni Gov. Gwendolyn Garcia at counterpart na ordinansa mula sa Sangguniang Panlalawigan. Tumatalima pa rin ang panuntunan na ito sa kasalukuyang IATF guidelines.
“Mungkahi po natin na subukan itong panuntunan ng Cebu sa ibang mga lugar. Kung tagumpay ito, kailangang kopyahin sa ibang lugar. Dapat suportahan po natin ang innovation lalo na sa panahon ng ‘new normal’ kung saan maraming pagbabago sa ating buhay,” ani Villanueva.