Villanueva: ‘Scoreboard’ sa bakuna ng essential workers, economic frontliners, indikasyon ng pagbangon ng ekonomiya
Sa pagpapatuloy ng pagbabakuna ng mga kabilang sa A4 priority list, nanawagan si Sen. Joel Villanueva sa IATF na magkaroon ng hiwalay na “scoresheet” ang mga ito dahil ang bilang ng nabakunahan na essential workers at economic frontliners ay mahalagang palatandaan ng pagbangon ng ekonomiya.
“Kailangan po natin ng malinaw na talaan kung nasaan na nga ba tayo pagdating sa pagbabakuna sa ating mga essential workers at economic frontliners,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Si Villanueva ang nagtulak na maisama ang mga essential workers at economic frontliners sa A4 classification ng IATF upang makasama sa prayoridad sa bakuna ng pamahalaan.
“Hindi po ba uso ang terminong ‘granular’ sa panahon ngayon? I-apply po natin iyan sa mga manggagawa sa A4 priority list dahil sila ang bumubuhay sa nakalugmok nating ekonomiya,” ayon sa senador.
Mayroong mahigit 35.5 milyong essential frontline workers, ngunit ayon sa datos hanggang Hunyo 6, may 4,559 katao pa lang mula dito ang nabakunahan ng first at second dose.
“Kailangan po natin ng malinaw na talaan kung nasaan na nga ba tayo pagdating sa pagbabakuna sa ating mga essential workers at economic frontliners.”
“Kung meron po tayong scoreboard, dapat headline numbers ‘yang sa A4. Unang titingnan sa umaga at huling sisilipin sa gabi,” ani Villanueva.
Maging ang pinakabagong ulat mula sa DOH ay nagsasabing hindi pa rin napapabilis ang rate ng vaccination sa bansa.
Ayon sa datos noong Hunyo 8, meron lamang 4,491,948 kataong nakatanggap ng unang dose ng bakuna, at 1,604,260 kataong may ikalawang shot na, ayon sa isang ulat ng IATF.
Ipinaglaban ni Villanueva ang pagsasama ng essential workers at economic frontliners sa listahan ng prayoridad ng gobyerno na mabakunahan, mula sa inisyal na 24.6 milyon na unang target, itinaas sa 35 milyon dahil sa pagsusulong ng senador.
Kasama sa itinulak na maisama sa A4 ni Villanueva ang mga nagtitinda sa palengke, mga nagta-trabaho sa supermarket, security personnel, PUV drivers, sanitation workers o mga basurero, public utility employees, at iba pa.