Villanueva, hinikayat ang gobyerno na tulungan ang mga OFWs, pasaherong apektado ng flight diversion mula Cebu
Hinimok ni Sen. Joel Villanueva ang Inter-Agency Task Force kontra COVID-19 na tulungan ang libo-libong OFWs at pasaherong papunta ng Cebu mula abroad na apektado sa flight diversion sa utos gobyerno.
Ayon kay Villanueva, kailangan tugunan ng gobyerno ang magiging abala bunsod ng diversion ng mga flights mula ibang bansa papuntang Cebu. Ipinag-utos ng gobyerno na i-divert ang lahat ng Cebu-bound flights mula sa ibang bansa patungong Maynila mula Mayo 29 hanggang Hunyo 5, 2021.
Isang malaking tulong sa mga apektadong pasahero ang pagsagot sa gastos nila bunsod ng flight diversion, ayon sa mambabatas.
“Marami pong OFWs na walang dalang pera lalo na po yung mga natanggal sa trabaho dahil sa pandemya. Said na said na dahil sa tagal nang pagka-stranded sa abroad. Saan po sila dudukot ng panggastos para sa rebooking?” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
“Kung utang na lang ang pasalubong, kawawa naman po kung dadagdagan pa natin ang kanilang bayarin.”
“Kung utang na lang ang pasalubong, kawawa naman po kung dadagdagan pa natin ang kanilang bayarin.”
Ayon sa pinakabagong datos galing sa Mactan Cebu International Airport, mga 13 hanggang 15 flights ang apektado ng redirection, at siguradong makakaapekto sa programa ng IATF sa pagsalubong sa mga OFWs at pasahero galing sa ibang bansa.
“Kahit na isang linggo lang ito, magkakaroon po ito ng domino effect sa lahat ng partido, lalo na sa mga OFWs at pasahero, kasama ang mga airlines at gobyerno na kailangang maghanda sa titirhan ng mga apektado nito,” sabi ni Villanueva.
“Kung sabihin po natin na tinatayang 4,000 na pasahero ang apektado nitong polisiya, di hamak po na malaking bilang ito. Sa bilang ng vans pa lang, mukhang aabot na ito sa 250," dagdag pa niya.