Villanueva: Batas na nagpapaliban sa taas-singil sa SSS contributions, malaking ginhawa sa mga manggagawang hirap sa pandemya

Magandang balita para sa mga manggagawa ang kapipirma pa lamang na batas ng Malacañang kung saan isinasabatas ang panukalang magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang ipagpaliban muna ang singil sa dagdag na SSS contribution habang may pandemya pa, ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

“Maraming salamat po sa ating Pangulo. Sana po ay gamitin niya ang kapangyarihang ito sa lalong madaling panahon. Nasa kamay niya na po ang implementasyon ng batas na ito, at kung kanyang nanaisin, makakaalwan na ang ating mga manggagawa kahit papaano,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee. Isinulong ni Villanueva sa Senado ang panukala batas na ito noong Enero.

 

Sa ilalim ng Republic Act No. 11548, masususpinde na ng Pangulo, sa rekomendasyon ng SSS, 1 percentage point na pagtaas ng SSS membership contribution na nakatakdang ipatupad noong Enero 1, 2021.

"Pansamantala lang ang tigil sa increase at itataas rin ito kapag nakabangon na ang mga manggagawa natin mula sa pandemya."

Naniniwala si Villanueva na gagamitin ni Pangulo ang kapangyarihang ito sa ilalim ng batas, dahil kayang-kaya niya ito i-veto pero hindi niya ginawa.

 

Nitong Marso 2020, nagpalabas ang Pangulo ng Proclamation No. 929 na inilalagay ang buong bansa sa ilalim ng state of calamity dahil sa COVID-19 pandemic. Na-extend ito hanggang Setyembre 12, 2021.

 

Dapat ay tumaas na mula 12 percent hanggang 13 percent ang SSS contribution, ngunit pansamantalang ipinagpaliban.

 

“Hindi po gaano maapektuhan ang pinansyal na katayuan ng SSS. Pansamantala lang ang tigil sa increase at itataas rin ito kapag nakabangon na ang mga manggagawa natin mula sa pandemya,” ani Villanueva.